INAPRUBAHAN na sa Senado ang panukalang batas na nagtatakdang gawing permanente na ang validity ng birth, marriage at death certificates.
Pasado na sa third and final reading ang Senate Bill No. 2450 o ang Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act.
Sa sandaling maging isang ganap na batas, ang mga estudyante at mga nag-aapply ng trabaho ay hindi na kakailanganing paulit-ulit na kumuha ng birth certificates.
Si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang sponsor at author ng naturang panukala. Principal author din at co-sponsor si Sen. Kiko Pangilinan.
Ani Revilla, umaabot din sa P155 hanggang P365 ang binabayaran sa pagkuha ng latest na kopya ng nasabing mga certificate.
Sinabi naman ni Pangilinan na malaking ginhawa ito lalo na sa mga nag-aapply ng trabaho, passport o kaya ay para sa pag-aaral.
Maliban sa perang matitipid ay makatitipid din ng oras, at pagod. LIZA SORIANO