VALUES RECOVERY

HINDI kapani-paniwala ang mga nababasa at napapanood natin sa social media.

Nag-aaway ang mga tao sa walang kakuwenta-kuwentang dahilan na maaari namang maresolba nang maayos.

Halimbawa nito ang nangyari sa mag-asawang online seller na umano’y dahil sa utang at inggit.

Nakakadurog ng puso na maaari namang pag-usapan at maaari namang makapagbayad kahit matagal na panahon pero humantong pa sa patayan.

Nawala na ang pagpapahalaga sa buhay.

Nagiging kriminal na dahil sa pagmamahal sa sarili at sa salapi.

Nasasaktan ang pride kapag nau­ungusan ng iba, kamag-anak at kaibigan kaya nilulukuban ng masama ang isip at dahil para mawala sa landas ay pipigilin ang buhay.

Mahabaging Diyos, nasaan ang human values ng ganitong mga tao.

Sumunod naman ang trending na pagsasauli ng Miss Myanmar ng kanyang titulo bilang second runner up sa Miss Grand International.

Ang kompetisyon ay hindi kasing taas ng Miss Universe pero ipinakita ng kampo ni Thae Suyein, 18-anyos, ang kagaspangan sa pag-alis sa korona at sash.

Ito ay kahit marami ang nakasaksi sa insidente.

Nawala na ang kahihiyan at pagiging modest kahit pa pakiramdam nila na mali ang hurado sa desisyon.

Pinakabagong viral ngayon ay ang pambubuno nina Miss Panama at Miss Dominican Republic na pawang kandidata sa Miss Universe.

Grabe na, ang bastusan at kawalang galang sa values.

Ngayon naman ang napipintong halalan na  sana ay maging healthy ang competition at hindi idadaan sa panlilinlang at siraan.

Panahon na para irekober natin ang pagpapataas sa ating values at huwag alagaan ang ego at salapi.