BASILAN – PUMALO na sa 11 ang patay habang pitong iba pa ang sugatan matapos sumabog ang isang van sa check-point sa Lamitan kahapon.
Ayon sa kay Col. Ferdinand Reyeg, Commander ng Joint Task Force Basilan, nagkasa ng checkpoint ang awtoridad matapos na makatanggap ng report na may nagtatangkang magpuslit ng mga improvised explosive device (IED) sa lugar.
Aniya, minamaneho ng isang kahina-hinalang lalaki ang van bandang alas-6 ng umaga, at habang iniinspeksyon ang kaniyang sasakyan, makaraang mataranta ang driver ay agad naman sumabog ang sasakyan.
Sa isang press conference ay kinumpima ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Col. Edgard Arevalo mula kay Western Mindanao commander Lt. Gen. Arnel Dela Vega, ang suspek na wala pang pagkakakilanlan na posible umanong tauhan ni Abu Sayyaf leader Furuji Indama.
Matatandaang may mga sumuko ng miyembro ng ASG sa mga militar mula sa Basilan at Sulu.
Dagdag pa ni Arevalo, isa ito sa desperadong kilos ng mga bandido upang magdulot ng gulo sa Basilan at upang pigilan ang pagsuko ng kanilang mga kasama.
HINDI SUICIDE BOMBING O TERORISTA
Itinanggi ng militar na isang suicide bombing ang nasabing pagsabog o kagagawan ng foreign terrorist dahil wala umanong ebidensiyang magpapatunay rito.
Sa unang ulat, dagdag ni Reyeg, 6 na tropa ang nasawi kabilang ang isang sundalo at ang lima sa kanila ay miyembro ng Citi-zen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), apat na kaanak ng CAFGU at ang umano’y suicide bomber.
Lima naman ang naiulat na sugatan ayon kay Lt. Col. Mon Almodovar, ang komander ng Third Scout Ranger Battalion. VERLIN RUIZ/MARY ROSE AGAPITO-OJT
Comments are closed.