VAPE LAW: SUSI SA PAGPIGIL NG ILEGAL NA TABAKO, ACCESS NG KABATAAN

Sang-ayon ang ilang mga grupo na ang kasalukuyang regulasyon para sa mga smoke-free na alternatibo tulad ng vape, heated tobacco, oral nicotine pouches, at iba pang makabagong produktong tabako ay may mahalagang papel sa pagprotekta sa mga mamimili, sa mga nagbebenta at lalo na ang kabataan.

“We believe and support the Vape Law because it establishes comprehensive regulations that protect consumers and promote responsible trade, particularly by ensuring the protection of minors and non-smokers,” ayon kay Joey Dulay, presidente ng Philippine E-Cigarette Industry Association (PECIA), nang tanungin sa isang media forum tungkol sa papel ng Vape Law ukol sa regulasyon ng mga smoke-free na alternatibo.

“The Vape Law advocates for fair trade, cracks down on substandard and illicit goods. If we adhere to these regulations, then we can maintain a trustworthy and reputable business that also protects the welfare of our customer base,” ani Edward Gatchalian, may-ari ng Holy Smokes at miyembro ng PECIA.

Batay sa mga kilalang institusyon ng pampublikong kalusugan mula sa UK, US, Germany, Japan, New Zealand, at Canada, sinabi na habang ang mga smoke-free na produkto ay hindi ganap na walang panganib, natuklasan nilang mas kaunti ang pinsalang dulot nito kumpara sa paninigarilyo.

“These innovative alternatives do not produce smoke; instead, they generate an aerosol or vapor by heating the e-liquid or tobacco. In contrast, burning tobacco releases thousands of harmful chemicals, approximately 70 of which are carcinogenic,” ayon kay Dulay.

Ayon naman kay Gatchalian, sinabi ng UK Office for Health Improvement and Disparities (OHID) na ang vapes ay “at least 95 percent less harmful than cigarettes.”

Ayon sa mga pag-aaral, ang problema sa paninigarilyo ay nasa usok na nililikha ng pagsunog ng tabako. Ang sanhi ng sakit ay mula sa mga kemikal na nasa usok. Taliwas sa popular na paniniwala, ang nikotina ay hindi ang pangunahing sanhi ng mga sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo; ang usok mismo ang sanhi.

Halos dalawang taon mula nang maipasa ang Vape Law, muling ipinahayag ng PECIA ang kanilang matibay na suporta sa regulasyon at binigyang-diin ang mahalagang papel nito sa pagprotekta sa mga nagbebenta at mamimili ng mga bagong produktong nikotina.

Ang RA 11900 na naisabatas noong Hulyo 25, 2022 ay nagre-regulate sa importasyon, paggawa, pagbebenta, pag-iimpake, distribusyon, paggamit, at komunikasyon ng mga produktong vape tulad ng e-cigarettes, vapes, heated tobacco products (HTPs), at oral nicotine.

Binigyang-diin ni Dulay ang mahigpit na mga parusa ng batas para sa mga nagbebenta sa mga menor de edad kabilang ang multa at pagkakulong. Ito ay hindi lamang pumipigil sa iligal na kalakalan kundi pati na rin isang patunay sa pangako ng gobyerno na protektahan ang kabataan mula sa pag-access sa mga produktong ito.

Ibinida rin ng mga grupo ang Vape law dahil sa pagprotekta nito sa mga mamimili mula sa pagkakaroon ng mga smuggled at mababang kalidad na mga produkto na hindi nakapasa sa mga pamantayang itinakda ng Department of Trade and Industry (DTI).

Naunang nasabi ng Bureau of Product Standards (BPS) ng DTI sa isang pampublikong oryentasyon noong Oktubre 2022 na ang sertipikasyon ay nagsisiguro na lahat ng produkto, kabilang ang mga aparato at sistema, ay sumasailalim sa masusing pagsusuri upang matugunan ang mga pamantayan sa kalidad at maiwasan ang iligal na kalakalan.

Malugod din tinanggap ng mga grupo ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa mga ahensya tulad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) na palakasin ang pagsusumikap laban sa pagpuslit ng smuggled tabako at vape.

“With the Vape Law, consumers are protected from illicit and sub-standard products. Just recently, si PBBM na mismo ang nagsabi na dapat i-beef up pa ang efforts sa smuggled at illicit na vape products. At makikita natin na masigasig ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng DTI, BIR, at Bureau of Customs sa pagmonitor at pagpapatupad ng mga regulasyon. Halos P26M worth na illegal vapes ang na-confiscate na ng DTI,” dagdag ni Gatchalian.

Bukod sa pagprotekta sa mga mamimili, sinabi ng PECIA na malaki ang naitulong ng Vape Law sa industriya na harangan ang pagpasok ng mga smuggled na produkto at mga fly-by-night na operator. Nakalikha rin ito ng mga oportunidad sa kabuhayan lalo na para sa mga small and medium-sized enterprises (SMEs).

Ang mga kamakailang inisyatiba ng DTI at BIR ay binanggit bilang karagdagang halimbawa ng positibong epekto ng batas. Simula noong Hunyo 5, 2024, ang mga hindi rehistradong vape at heated tobacco products ay ipinagbabawal nang pumasok sa bansa, at ang mga tagagawa ay kailangang kumuha ng mga lisensya mula sa DTI, na nakalista sa kanilang website. Bukod pa rito, nagtakda ang BIR ng mga bagong tax stamps para sa mga smoke-free na produkto upang masiguro ang patas na kalakalan para sa lahat ng stakeholder ng industriya.

Sa ilalim ng mga Seksyon 18 at 19 ng Vape Law, ang lahat ng mga tagagawa at importers ng HTP consumables, HTP devices, vapor product refills, vapor product devices, at mga bagong produktong tabako ay kinakailangang magparehistro sa DTI bago nila maibenta ang mga produktong ito sa publiko.