Vape napatunayang mas maliit ang dulot na peligro kaysa paninigarilyo

vape

LUBHANG mas maliit ang panganib na dulot ng paggamit ng vape kaysa paninigarilyo, ayon sa mga siyentipikong pag-aaral na isinagawa sa nakalipas na pitong taon.

Ayon kay Dr. Debbie Robson ng Queens College London at isang dalubhasa sa konsepto ng tobacco harm reduction, ang mga gumagamit ng vape o electronic cigarettes ay nakalalanghap ng mas mababang antas ng toxicants, kung ihahambing sa mga naninigarilyo.

Ito ay base sa pinakahuling pag-aaral ng mga dalubhasa na kinomisyon ng Office for Health and Disparities o ang dating Public Health England. Binanggit ni Dr. Robson ang resulta ng pinakahuling report sa E-Cigarette Summit na isinagawa sa London noong Disyembre 9, 2022.

Ang pinakahuling report ay base sa mahigit 400 scientific studies at tumingin sa listahan ng toxicants na itinuturing ng World Health Organization na mapanganib tulad ng carbon monoxide, tobacco-specific nitrosamines at volatile organic compounds.

Ayon sa meta-analysis, ang paggamit ng vape ay naglalantad sa higit na mababang antas ng toxicants, kumpara sa panganib dulot ng paninigariyo.

Si Dr. Robson ay isang mental health nurse, may akda ng annual report tungkol sa epekto ng e- cigarettes at isang trustee ng Action on Smoking and Health or ASH sa England.

Sinabi ni Dr. Robson na ang kanyang grupo ay tumingin sa mga biomarkers na iniiwan sa katawan ng vape o sigarilyo. Napatunayang mas kaunti ang biomarkers na nakita sa katawan ng mga vapers, kumpara sa katawan ng mga naninigarilyo. Subalit ang mas mainam, ayon kay Dr. Robson, ay huwag manigarilyo o gumamit ng vape.

Ang pag-aaral ay naglalayong bigyan ang gobyerno at mga mambabatas ng impormasyon tungkol sa paggamit ng vape at sigarilyo ng mga kabataan sa England. Ikinumpara ng pag-aaral ang panganib dulot ng vape at sigarilyo at ang epekto ng di paggamit ng mga ito. Kasama din sa pag-aaral ang paniniwala ng mga tao tungkol sa sigarilyo, vape at heated tobacco products.

Ito na ang pangatlong pag-aaral na isinagawa tungkol sa paksang ito. Naglabas din ang mga dalubhasa ng reports noong 2015 at 2018.

Ang pinakahuling report ay nagrekomendang pagbutihin ang pagpapatupad ng age restriction para maiwasan ang paggamit ng vape at sigarilyo ng mga kabataan.

Pinayuhan din ni Dr. Robson ang mga awtoridad na subaybayan ang paggamit ng mga disposable e-cigarettes at huwag hayaang ma-enganyo ang mga kabataan sa mga produktong ito.

Sublit sinabi niya na ang epekto ng paggamit ng vape ay depende rin sa madaming bagay tulad ng medical history, dating karanasan sa paninigarilyo, lagay ng katawan at kung saan nakatira ang mga gumagamit nito.

Mahalaga rin aniya ang tamang komunikasyon at pang-unawa para makatulong sa milyon-milyong gumagamit ng sigarilyo at vape.

Ang ika-sampung taon ng E-Cigarette Summit ay isinagawa sa Royal College of Physicians sa London noong Disyembre 2022, o 60 taon matapos ilabas ng RCP ang unang report na “Smoking and Health” na siyang naging pundasyon ng tobacco control sa buong mundo.

Ang paniniwala ng mga kalahok sa E-Cigarette Summit, mataas pa rin ang antas ng paninigarilyo sa buong mundo kahit sa laganap na pagsasagawa ng tobacco control measures at public health education tungkol sa epekto nito sa kalusugan.