IPINAG-UTOS ng Bureau of Customs (BOC) ang pagharang sa pagpasok ng vaping products, tulad ng e-cigarettes at e-liquids, kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-ban ang pag-angkat nito.
Ayon kay Customs Assistant Commissioner Jet Maronilla, nakipag-ugnayan na sila sa Food and Drug Administration (FDA) bago magpalabas ng direktiba sa kanilang Intelligence and Enforcement units.
“All importation of vape products and its related items shall immediately be subject to seizure by the Bureau of Customs,” wika ni Maronilla.
Aniya, ang mga examiner at anti-smuggling unit ng Customs ay nakapokus sa pagtuklas ng mga iskema na maaaring gamitin para ilegal na makapagpuslit ng vape products sa bansa.
Noong Martes ay ipinag-utos ni Duterte ang pagbabawal sa paggamit at pag-angkat ng vapes kasunod ng unang kumpirmadong report ng electronic cigarette o vaping-associated lung injury (EVALI) sa bansa.
Anang Pangulo, ipinagbabawal niya ang vapes dahil nakalalason ito at hindi aprubado ng FDA.
Inatasan din ng Chief Executive ang pulisya na arestuhin ang lahat ng mahuhuling gumagamit ng e-cigarettes sa publiko. CNN PHILIPPINES
Comments are closed.