VARANASI, CITY OF DEATH

Marahil ay magtataka kayo kung bakit Varanasi ang tatalakayin natin, gayong hindi naman ito bahagi ng Pilipinas. Isa itong mahiwagang siyudad sa northern Indian state ng Uttar Pradesh na itinatag noon pang 11th century B.C. Layon naming magbigay ng dagdag na kaalaman sa mga mag-aaral hinggil sa mga bagay at lugar na makakapagpayaman sa kaisipan.

Itinuturing ang Varanasi na spiritual capital ng India, ang siyudad na pinagdarayo ng mga Hindu pilgrims upang maligo sa Ganges River. Kung ang mga Muslim ay nagnanais makarating sa Mecca at ang mga Katoliko naman ay sa Vatican City, ang mga Hindu, sa Varanasi.

Dinarayo nila ang Ganges River, dahil naniniwala sila sa ‘tirtha’ kung saan nagsasanib ang katawan at kaluluwa.

Kinuha ang pangalang Varanasi sa dalawang malalaking ilog sa India, ang Varuna at Asi. Pinaniniwalaang isa ito sa pinakamatandang siyudad sa buong mundo na pinaninirahan pa rin ng tao. Para sa mga Indian, ito ang kanilang spiritual capital. Dati umano itong tahanan nina Lord Shiva at Goddess Parvati. Kahit sa makabagong panahong ito, naniniwala silang paminsan-minsan ay dumadalaw pa rin sina Shiva at Parvati sa Varanasi at nakikisalamuha sa mga tao. Lagi silang magkahawak-kamay, tanda ng walang hanggang pag-iibigan nila sa isa’t isa.

Naging lugar din umano ng pakikipaglaban ng diyos na si Krishna ang Varanasi. Ayon sa alamat, pinatay ni Krishna si Paundraka. Nagpadala ng Kritya ang prinsipeng anak ng hari ng Kashi (dating pangalan ng Varanasi) upang wasakin ang Dvaraka. Upang mailigtas ang Dvaraka, nagpakawala ng Chakra si Krishna, na ikinamatay ng dalawang masamang pinuno ng Kashi at nagwasak sa lugar kung saan nagtitika si Lord Rama matapos patayin ang demonyong si Ravana.

Isang pilgrimage place ang Varanasi, dahil dito raw isinilang si Parsvanath, ang 23rd Tirthankar (hari), may 2,500 taon na ang nakalilipas. Ginanap din dito — partikular sa Lion capital ng Ashoka malapit sa Sarnath — ang unang sermon ni Buddha noong 5th century BCE.

Tinatawag rin ang Varanasi na Benares, Banaras o Kashi, ang pinakabanal sa pitong sacred cities ng Hinduism. Naniniwala sila na kapag namatay ka sa lugar na ito ay makakawala ka na sa walang katapusang pagkamatay at muling pagsilang (reincarnation). Ito ang dahilan kung bakit ito tinawag na City of Death. Pinipilit ng mga Hindu na magtungo sa Varanasi kapag mamamatay na sila, sa pag-asang mahuhugasan ng Ganges River ang kanilang mga kasalanan. Nakaugaliang ipa-cremate ang kanilang mga labi, na isasabog naman ang abo sa kaparangan ng Varanasi. Ito ang pagkakamit ng “Moksha,” na susi upang makarating sa Nirvana.

Nag-uumapaw ang Varanasi sa aura ng divine energy na lumilinis sa makasalanang kaluluwa. Ang Ganges ay ilog ng spiritual Rebirth, kung saan naliligo ang mga naniniwala upang makawala sa kasalanan.

Awadhi at Bhojpuri ang salita dito. Bukod sa Standard Hindi at Urdu, ngunit marunong don sila ng Sanskrit, ang pinakalumang salita sa mundo.

Mahilig sa literatura, music, art at crafts ang mga naninirahan sa Varanasi. Ang tatlong una ay gamit sa pagsamba, habang ang crafts ay sa paglikha ng mga souvenirs at Holy items para sa mga dumarayong mana­nampalataya.

Nakatayo pa rin dito ang Golden Temple na dati raw tahanan ni Shiva. Dito umano ipinamalas ni Shiva ang una niyang jyotirlinga, ang makapangyarihang haligi ng liwanag, patunay na siya ang pinakamalakas na diyos. Itinulos ni Shiva ang haligi sa lupa, at pinataas niya ito hanggang langit.

Nananalangin ang mga devotees sa Kashi Vishwanath temple (Golden Temple), lalo na ng mga babaeng walang asawa, upang humingi kay Shiva ng lalaking pakakasalan. Gayunman, hindi pinapapasok ang mga walang damit o nakadamit ng malaswa sa loob ng mga Temple at religious sites. Kung nakapantalon naman ang babae, maaari lamang silang manalangin sa likurang bahagi ng templo at hindi sa unahan bilang tanda ng paggalang.

Nenet Villafania