VARGAS, HANDA NA SA KONGRESO

SA kabila ng tinanggap ng mga pagbabanta sa buhay, hindi aatrasan ni Quezon City Councilor PM Vargas ang hamon na maging bahagi ng Kongreso at tiwala ito sa mga naging karanasan mula sa kasalukuyang posisyon para higit na makapaglingkod.

Sinabi ni Vargas na itutulak nito sa Kongreso ang pagpapalakas ng mga lokal na pamahalaan upang higit na matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.

Magsusulong din aniya siya ng mga batas na magpapataas ng suweldo ng mga health worker at pagtaas ng antas at lakas ng serbisyo ng mga pampublikong ospital.

“Kailangan tayo mag-focus sa pandemic recovery at mabigyan ng kaukulang armas ang ating mga frontliners upang makaahon tayo nang sabay sabay. Importante sa akin ang pandemic preparedness, health services, job generation and social services,” ani Vargas.

Nagsilbi rin si PM Vargas bilang Chief of Staff ng kanyang nakatatandang kapatid na si Rep. Alfred Vargas na patapos na ang ikatlong termino kaya’t batid na ng Konsehal ang mga regulasyon ukol sa paglikha at pagpasa ng mga batas.

Sa napipintong pagpasok sa Kongreso, handa si Vargas na makilahok sa mga talakayan ng komite sa Kapulungan upang mapabilis ang proseso ng pagsasabatas ng mga mahahalagang panukala.

“Ang importante ay may synergy at pagkakaisang-isip at puso para sa kapakanan ng mamamayan. Given a chance to lead a committee, I will make sure that the legislation will always be pro people,” ani Vargas.

Sa pamamagitan ni PM Vargas, naipamahagi ang aabot sa 272,388 na family packs bilang COVID-19 relief, gayundin ang mahigit 400,000 na feeding beneficiaries sa Distrito 5. Mayroon ding 21,335 ang natulungan sa livelihood programs, 18,124 ang natulungan sa pang-medical na pangangailangan at nalagyan ng libreng wifi ang 14 barangay hall noong panahon ng pandemya.

Si Vargas ang kasalukuyang nangunguna sa labanan sa District 5 ng Quezon City at nakatanggap ng pag-endorso mula sa lahat ng sektor sa Distrito, kasama na ang importanteng basbas ng Iglesia ni Cristo.

Mga kalaban niya sa posisyon sina dating Congresswoman Annie Susano, Cathy Inday Esplana at Rose Nono Lin ng Pharmally na humaharap sa mga kaso sa Comelec.

Kumpiyansa si Vargas sa suportang ipinakita ni Mayor Joy Belmonte, Vice Mayor Gian Sotto at ng iba pang kasamang konsehal.

“Pero, ang pasasalamat ngayon pa lang ay para sa mga kadistrito na siya namang nagpapakita ng patuloy at maigting na suporta,” dagdag pa ng konsehal.