VARGAS NAGBITIW BILANG POC CHIEF

Ricky Vargas

NAG-RESIGN kahapon si Ricky Vargas bilang presidente ng Philippine Olympic Committee (POC).

Ito ay makaraang kuwestiyunin siya ng Executive Board sa pagkakasangkot niya sa iba’t ibang kontrobersiya na kinakaharap ng hosting ng bansa sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games.

Sa kanyang liham na isinumite sa mga mi­yembro ng POC board, inamin ni  Vargas na may iba pang POC leaders na maaaring higit na may kakayahan na pamunuan ang paghahanda para sa hosting ng bansa sa SEA Games.

Si dating POC first vice president Joey Romasanta ang papalit kay Vargas, habang si Robert Bachman ng squash association ang itatalaga umanong Secretary General.

“This is to inform the executive board of the Philippine Olympic Committee that I am tendering my irrevocable resignation from the post of president of the organization effective immediately,” wika ni Vargas sa isang one-page resignation letter.

“After much introspection, I have determined that there would be other sports leaders who have the time and inclination needed to lead the POC more effectively.”

Kinuwestiyon ng mga miyembro ng POC board ang pagkakasangkot ni Vargas sa iba’t ibang isyu, partikular sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) Foundation, Inc. at sa kuwestiyonableng kontrata sa isang kompanya na naglalayong maging official out-fitter ng SEA Games.

Si Vargas ay isa sa walong orihinal na incorporator ng Phisgoc Foundation, kasama si POC communications director Patrick Gregorio. Hindi kinikilala ng POC board ang Phisgoc Foundation.

Ang Phisgoc Foundation ay pinamumunuan ni Taguig Conressman-elect Alan Peter Cayetano, na siya ring chairman ng orihinal na Phisgoc na nilikha kasama ang POC at ang Philippine Sports Commission PSC.

Comments are closed.