ANG tatak ng liderato ni Ricky Vargas sa nakalipas na dalawang taon ay naghatid ng katatagan sa PBA Board kung saan naluklok siya sa ikatlong sunod na termino bilang chairman para sa 45th season ng liga.
Makaraang muling makuha ang kumpiyansa ng buong Board sa annual planning session nito noong nakaraang Enero, si Vargas, kumakatawan sa TnT Katropa, ay naging una na nagsilbing chairman sa tatlong sunod na termino matapos ni Luis ‘Moro’ Lorenzo Sr. ng Pepsi mula 1991 hanggang 1993.
Nakuha ni Vargas ang respeto ng kanyang mga kasamahan sa kanyang kalmado at mahinahon ngunit determinadong pagpapasiya na nakatulong sa Board para sama-samang magtrabaho.
Sa napakalaki at pambihirang ginawa ng TnT Katropa executive ay unanimous choice siya bilang Danny Floro Executive of the Year ng PBA Press Corps.
Si Vargas, ang dating Philippine Olympic Committee (POC) president, ay nakatakda sanang gawaran ng parangal noong nakaraang March 16 sa Novotel Manila sa Araneta Center, subalit ipinagpaliban ang event na suportado ng Cignal dahil sa outbreak ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Ito ang ikalawang pagkakakataon na gagawaran si Vargas ng naturang parangal na ipinangalan kay late affable team owner Valeriano ‘Danny’ Floro ng Crispa Redmanizers.
Unang tinanggap ni Vargas, na siya ring chief ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP), ang award na iginagawad ng mga regular na nagko-cover sa PBA beat noong 2006-07 season.
Ang past recipients ng prestihiyosong parangal ay kinabibilangan nina San Miguel team owner Ramon S. Ang, MVP counterpart Manny V. Pangilinan, Alaska boss Wilfred Uytengsu at Rain or Shine co-team owners Raymund Yu at Terry Que.
Si Elmer Yanga, ang team manager ng RFM franchise noong 90s, ang unang tumanggap ng award sa unang tatlong taon nito mula 1993 hanggang 1995.
Si SMC sports director Alfrancis Chua ang huling ginawaran ng titulo noong 2018.
Comments are closed.