ITINUTULAK ng Department of Energy (DOE) ang VAT-exemption sa pagbili at pagbebenta ng indigenous natural gas, gayundin ang pagbebenta ng enerhiya gamit ang Indigenous Natural Gas.
Sa pagpupulong ng Senate Committee on Energy Technical Working Group kaugnay sa Senate Bill 2247, iginiit ni Energy Undersecretary Sharon Garin na ito ay bilang bahagi ng fiscal incentives sa ilalim ng ipinapanukalang batas para sa pagpapalakas ng natural gas industry sa bansa.
Layon ng Senate Bill 2247 na inihain ni Senador Raffy Tulfo na makabuo ng comprehensive at integrated legislative policy para sa mabilis na pag-unlad ng natural gas sector ng Pilipinas.
Nanawagan si Garin sa Department of Finance (DOF) na paboran ang fiscal incentives para sa natural gas investors dahil nararapat lamang aniyang bigyan ng insentibo ng gobyerno ang key players ng natural gas upang matiyak ang pagpapalakas ng commercial transaction at lumaki pa ang investment sa indigenous natural gas industry.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Donnabel Kuizon Cruz, Managing Director at General Manager ng Prime Energy, na kadalasan ay tumatagal ng pito hanggang 10 taon ang indigenous gas exploration hanggang sa production.
Idinagdag pa ng Prime Energy na siyang operator ng Malampaya natural gas facility na posibleng umabot ng 859 million US dollars ang well drilling at tie-back campaign na bahagi ng Phase 4 ng proyekto at target matapos sa 2026.
Layon nito na maitaas pa ang indigenous gas production at magkaloob ng enerhiya sa mas marami pang customer sa mas mababang halaga. Nanindigan si Garin na ang paggamit ng indigenous natural gas resources ang solusyon sa mataas na bayarin sa koryente at sa energy security sa kabuuan.
VICKY CERVALES