VAT REFUND LAW MAGPAPALAKAS SA TURISMO

NILAGDAAN kahapon ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. bilang batas ang isang panukala na nagkakaloob ng Value Added Tax (VAT) refund sa foreign tourists upang makahikayat ng mas maraming biyahero at maiposisyon ang bansa bilang “premier global shopping destination.”

Sa kanyang talumpati sa ceremonial signing sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Marcos na ang  Republic Act (RA) 12079 o ang VAT Refund for Non-Resident Tourists ay magtatatag ng isang VAT Refund System sa locally purchased goods.

Sa ilalim ng bagong batas, ang mga turista ay maaaring makakuha ng VAT refund para sa mga produkto na personal na binili sa accredited retail outlets, “provided these goods are taken out of the country within 60 days and meet a minimum transaction requirement of PHP3,000.”

Ayon sa Pangulo, ang inisyatiba ay nagbubukas ng bagong kabanata sa tourism landscape ng Pilipinas, nagbibigay-daan sa bansa na makipagkumpetensiya sa iba pang tourism markets na makahihikayat ng mga turista na sabik mag-uwi ng authentic, high-quality Filipino products.

Sa bagong batas ay tinatayang tataas ng 30 percent ang tourist spending na magbibigay benepisyo kapwa sa large-scale industries at micro, small, and medium enterprises.

“These products tell our stories, and now, with the VAT refund, they will be able to be more accessible to global consumers, elevating once again our stature in the global market,” sabi ni Marcos.

Inatasan ng Pangulo ang Department of Finance at Bureau of Internal Revenue na bumalangkas ng rules and regulations na magpapadali sa proseso ng VAT refund.

Ang VAT refund law ay inaasahang makalilikom ng P3.3 billion hanggang P5.7 billion na karagdagang kita mula 2024 hanggang 2028 at lilikha ng 4,400 hanggang 7,100 trabaho kada taon.