VAT SA KORYENTE ‘DI SUSUSPENDIHIN

KORYENTE-4

IBINASURA ng Department of Energy (DOE) at Department of Finance (DOF) ang rekomendasyong suspendihin ang pangongolekta ng 12% value-added tax (VAT) sa koryente sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa Joint Congressional Energy Commission hearing ay ipinaabot ni Senadora  Risa Hontiveros ang rekomendasyon ng Senate Tax Study and Research Office (STSRO) na suspendihin ang VAT collection habang ang bansa ay nagre-recover pa sa pandemya.

Bilang tugon kay Hontiveros, sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi na hindi makabubuti sa  pamahalaan na suspendihin ang VAT dahil matindi ang pangangailangan nito na makalikom ng pondo para suportahan ang mga programa kontra COVID-19, gayundin ang mapagaan ang epekto ng krisis.

“Tulong-tulong po tayong lahat sa paghahanap kung paano po natin mapa-fund ang ating requirements… so mahirap po siguro kung ngayon tayo magsu-suspend ng VAT, baka wala tayong mapagkunan ng pera,”  ani Cusi.

Sa kanyang panig ay sinabi naman ni Finance Undersecretary Bayani Agabin na hindi magandang opsiyon ang pagsuspinde sa VAT sa panahong ito na kailangan ng bansa ng pondo.

“For income reasons and progressive taxation reasons, we believe it’s not a good idea to suspend the collection of VAT at this time,” ani Agabin.

Comments are closed.