KILALA bilang isang matagumpay na negosyante na makamasa, inilunsad ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson ang VBank na ang layunin ay magbigay ng tulong sa mga mahihirap ngunit karapat-dapat na Pilipino sa buong bansa.
Inilahad ni Singson na ang VBank na pormal na magsisimula sa Disyembre 15 ng kasalukuyang taon ay ipamimigay nang libre at magkakaroon ng P500 na laman kada buwan.
“Kailangan lang i-download ang VBank app, sagutan ang digital form, at isumite ito online,” ani Singson.
Sa isang pagtitipon kamakailan sa Manila Hotel kasama ang kanyang mga tagasuporta, binîgyang-diin ni Singson na ang VBank ay para sa lahat ng Pilipino, edad 18 anyos pataas, at walang diskriminasyon maging sa politikal na paniniwala.
Ayon kay Singson, puwedeng mag-apply ang mga single parent, senior citizen, at person with disability (PWD), na kabilang sa mga pinaka-vulnerable sa lipunan.
Sinabi ng pilantropong senatorial aspirant na wala umanong kailangang mga dokumento o anumang requirements para mag-apply.
JUNEX DORONIO