VCM, BALOTA INAGAW AT SINUNOG

VCM

ISABELA – TAKOT at pangamba ang nadarama ng mga residente ng bayan ng Jones matapos na harangin ng mga hindi pa nakikilalang mga armadong kalalakihan ang sasakyan ng mga miyembro ng Electoral Board dakong alas-6:20 ng umaga kahapon sa Sta. Isabel, Jones.

Sa imbestigasyon ng Jones Police Station na pinamumunuan ni P/Capt. Fernando R. Malillin, hepe ng pulisya, matapos na harangin at agawin ay sinunog ng mga ito ang Vote Counting  Machine  (VCM) at mahigit sa 200 balota na hindi pa nababasa na dadalhin sana sa Municipal Hall sa Jones.

Ayon sa PNP Jones, nakatanggap sila ng isang tawag mula kay Board of Election Inspectors (BEI) Arlyn Borromeo Santos sa pagharang at pag-agaw ng mga suspek sa dala nilang VCM at mga balota na mula sa Barangay Dicamay 1 at Dicamay 2, at sunugin sa may Barangay Sta. Isabel, Jones, Isa­bela.

Napag-alamang ang sinakyan umanong dumptruck ng mga suspek ay iniharang sa daan sa Sta. Isabel, Jones, Isa­bela.

Samantala, tumanggi muna si Provincial Election Supervisor Michael Camangeg na magbigay ng pahayag sa nangya­ring pagsunog sa VCM at 200 unread ballot sa bayan ng Jones, Isabela na idineklarang election hotspot red category. IRENE GONZALES

Comments are closed.