NAGPAHAYAG ng pagsuporta ang Department of Health (DOH) sa pag-aaral hinggil sa paggamit ng virgin coconut oil (VCO) para sa mabilis na pagpapagaling ng mga pasyenteng posibleng dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, suportado nila ang pagsusumikap ng Department of Science and Technology (DOST) lalo na kung makatutulong ito sa pagpapagaling ng mga pasyente.
“We support the worthy efforts of the Department of Science and Technology kung makatutulong ito sa pagpapaigi o pagpapagaling ng mga pasyenteng may COVID,” ayon kay Duque, sa panayam sa TeleRadyo.
Una nang sinabi ng DOST na nakatutulong ang VCO sa pagbabawas ng mga sintomas ng suspect at probable case ng COVID-19.
Nabatid na sa loob ng 28-araw, inobserbahan ng DOST at Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ang 57 probable at suspect cases para sa COVID-19 sa Sta. Rosa, Laguna.
Lahat sila nasa 20-anyos at mahigit ang edad, at walang problema sa puso.
Kalahati umano sa mga ito ay binigyan nila ng VCO kasama ng kanilang pagkain, habang ang kalahati pa na nagsisilbing control group ay walang VCO na natanggap.
Lumitaw naman sa pag-aaral na ang sintomas sa VCO group ay bumaba sa ikalawang araw at tuluyang nawala noong ika-18 araw. Bumaba rin umano ang c-reactive protein levels na tumutukoy sa infection level ng isang tao.
“Tayo sumusuporta diyan. Alam naman natin matagal na na ang VCO may taglay itong anti-microbial o anti-viral properties baka makatulong naman ito sa mas magandang pangangasiwa ng mga COVID-19 infection,” dagdag pa ni Duque. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.