PINALAGAN ng mga vegetable trader at trucker ang umano’y excessive collections ng Philippine Ports Authority (PPA) at Bureau of Customs (BOC) sa Batangas at Matnog ports kada araw.
Ayon sa kanila, kinakailangan nilang magbigay ng P2, 000 hanggang P7,000 para lamang ma-prioritize ang kanilang produkto sa roll-on-roll-off (RO-RO) vessels patungo sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ng mga mangangalakal ng gulay na miyembro ng grupong ‘Tawid Dagat’ na kapag nasa Batangas at Matnog ports na ang kanilang trak ay maniningil na ang PPA at BOC personnel ng nasabing halaga para ma-prioritize na maisakay subalit kapag hindi nakapagbigay ay maaantala ang kanilang kalakal na siguradong mabubulok sa pantalan.
Giit nila, noong Arroyo administration ay may ipinatupad na polisiya ang pamahalaan na kinakailangang mabigyang prayoridad na maisakay sa barko ang perishable goods tulad ng highland vegetables at fruits patungo sa mga pamilihang bayan sa Metro Manila at karatig-lalawigan.
Kaugnay nito ay nanawagan ang mga vegetable trader at trucker sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na imbestigahan ang nasabing mga tauhan ng PPA at BOC na nangongolekta ng malaking halaga ng walang kaukulang official receipts.
Giit nila, malaking halaga ang nawawala sa kanila dahil ang perishable goods na dapat na maisakay ay nabubulok sapagkat hindi sila makapagbigay ng nabanggit na halaga sa PPA at BOC.
Dahil sa labis na singil ng PPA at BOC ay napipilitan, anila, sila na magtaas ng presyo ng bilihin.
Nangangamba rin ang mga vegetable trader na kapag nagpatuloy ang sinasabing extortion activities ay mapipilitan silang ihinto ang kanilang kalakal na magreresulta sa artificial shortage ng highland vegetables sa iba’t ibang pamilihan sa bansa.
Base sa tala, may 80 porsiyento ng supply ng gulay sa bansa ay nagmumula sa Benguet at ilang lugar sa Mt. Province at Ifugao. MHAR BASCO
Comments are closed.