TAHIMIK umanong kumikilos ngayon si Marinduque Congressman Lord Allan Velasco para maagang makaupo bilang Speaker ng Kamara de Representante.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source sa loob ng Kongreso, posible umanong gamitin ni Velasco ang mga napipintong alokasyon sa pambansang badyet sa 2021 para kumbinsihin ang kapwa niya mga kongresista na sumama sa plano niyang kunin ang puwesto.
Sinabi ng source na ibinibida ni Velasco na tiyak na siya na ang uupong Speaker sa buwan ng Oktubre, kung kailan hihimayin na ang pambansang badyet para sa 2021 sa Kamara, kaya siya na umano ang masusunod kung magkakaroon man ng alokasyon o wala sa mga proyekto ang mga congressman sa ilalim ng budget bill.
“Pero ang gusto ni Velasco ay ngayon pa lang ay makaupo na siya bilang Speaker kaya ginagamit niya ang mga alokasyon para sa mga proyekto sa ilalim ng 2021 national budget para pilitin ang mga kongresista na suportahan siya sa plano niyang patalsikin si Cayetano bilang Speaker,” ayon sa source.
“Kapag hindi pumayag ang congressman sa plano niya, binabantaan na masi-zero ang distrito nito pagdating sa alokasyon ng mga proyekto sa 2021 budget,” dagdag pa ng source.
Sinabi pa ng source na base sa mga reaksiyon ng mga kongresista, marami ang nagtataka kung bakit nagmamadali si Velasco na maging Speaker at marami rin ang nagtatanong kung papayag ba ang Pangulong Duterte sa mga ganito niyang plano.
Ayon pa sa source, isang dating congressman na maimpluwensiya at mayamang politiko mula sa Visayas ang umiikot ngayon sa loob at labas ng Kongreso para iparating ang balak ni Velasco sa mga miyembro ng Kamara at himukin silang suportahan ito.
Sinabi pa ng source na nakipag-alyansa na ang kampo ni Velasco sa Liberal Party (LP) sa Kamara sa pamamagitan ng planong pagsuporta sa resolusyon na inihain ni Cebu City Congressman Raul del Mar para mapahaba ang bisa ng prangkisa ng ABS-CBN hanggang 2022. Si Senador Franklin Drilon ng LP ay naghain din ng ganitong resolusyon sa Senado.
Tinitingnan umano ng kampo ni Velasco kung magtatagumpay ang resolusyong ito na panig sa ABS-CBN para mapag-alaman kung eepekto ba ang balak niyang coup laban kay Speaker Alan Peter Cayetano.
Matatandaan na sa ilalim ng term-sharing agreement nila ni Cayetano na mismong ang Pangulong Duterte ang nag-apruba, si Cayetano ay unang uupo bilang Speaker sa unang 15 buwan ng 18th Congress. Susunod naman si Velasco ngayong Oktubre para hawakan ang puwesto hanggang matapos ang Kongreso, kaya mas mahaba ang panahon niya dahil 21 buwan siyang uupo bilang Speaker. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.