NANG maupo sa puwesto ay nagsabi si House Speaker Lord Allan Velasco na magiging ‘unifying leader’ ito kasunud na rin ng naging Speakershp row sa pagitan nila ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano subalit taliwas ang sinasabi nito sa kanyang ginagawa nang tanggalin ang ilang Deputy Speakers at ang nakatakdang pagbalasa pa sa chairmanship ng mga House committee.
Maugong din na nilulutong mapalitan si House Majority Leader Martin Romualdez, bukod kasi sa malapit ito kay Cayetano ay puntirya rin ni 1-Pacman Partylist Rep Mikee Romero ang nasabing puwesto.
Bago pa nabuo noon ang term sharing agreement sa pagitan nina Cayetano at Velasco ay si Romero na ang napipisil na maging House Majority Leader kung magiging Speaker si Velasco.
Sa nabuong term sharing agreement ay napagkasunduan na tanging sina Cayetano at Velasco lamang ang magpapalit ng puwesto habang mananatili at hindi gagalawin ang mga Deputy Speakers at chairman ng mga committee. Matatandaan na dahil sa kasunduang ito kaya nagkaroon sa kauna-unahang pagkakataon ng 22 Deputy Speakers ang Kamara, para i-accommodate ang mga kaalyado nina Velasco at Cayetano at magkaroon ng ‘unified House’ kahit pa man dalawa ang magiging Speaker sa 18th Congress.
Sa naging pag-uusap nina Cayetano at Velasco kay Pangulong Rodrigo Duterte ay nangako pa ang huli na walang magiging pagbabago sa mga opisyal ng Kamara.
Nang maupo si Velasco ay kabaligtaran ang nangyari dahil sinimulan nitong tanggalin sa puwesto ang mga mambabatas na malapit kay Cayetano, pangunahin na si Camarines Sur Rep Lray Villafuerte na naging malaki ang kontribusyon para sa pagsasabatas ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2 na nagbigay-daan para makinabang ang 18 million recipients sa ilalim ng Social Amelioration Funds.
Sa patuloy na ‘purge’ na ginagawa ni Velasco ay inalis din bliang Deputy Speakers sina Laguna Rep Dan Fernandez, Batangas Rep. Raneo Abu at Capiz Rep Fredenil Castro na nagsulong sa Bayanihan Act at pagpasa sa mga legislative agenda ng administrasyon, samantalang inalis bilang Head ng House Contingent to the House of Representatives Electoral Tribunal si Kabayan Rep Ron Salo.
Ang mga sumusuporta sa ABS-CBN franchise na sina Buhay Partylist Rep Lito at Atienza at Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez ang ipinalit sa puwesto, naitalaga rin bilang Deputy Speaker si Las Pina Rep. Camille Villar subalit tinanggihan niya ang posisyon at wala pang naging pahayag si Velasco ukol dito.
Aminado ang ilang insider sa Kamara na para makuha noon ang suporta ng mga kapwa mambabatas na ang suporta ay na kay Cayetano ay pinangakuan ni Velasco ang mga ito na makakakuha ng puwesto sa kanyang liderato, ito umano ngayon ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng ‘silent war’ sa mismong mga kaalyado nito.
Una nang nabunyag ang hindi pagkakasundo sa pagitan ng mga Velasco allies nang pasaringan ni AAMBIS-OWA Partyl-ist Rep Sharon Garin,sa isang get-together dinner sa kaarawan ni Velasco, si Davao Rep Paolo Duterte at sabihang “hindi ka naman bumoto kay Velasco pero nagkaroon ka ng puwesto”.
Hindi nagustuhan ni Duterte ang biro hanggang sa nagkaroon ng komosyon at humantong sa awatan, si Maguindanao Rep Toto Mangudadatu ang sinasabing isa sa umawat kina Garin at Duterte.
Matapos ang insidente ay isang message ang ipinadala ni Duterte sa Viber group ng mga kongresista na nakasaad ang paghingi nito ng paumahin sa nangyari kasabay ng pagsasabi na dahil nakukuwestiyon ang kanyang loyalty ay didistansiya na ito sa House Majority.
Ilang mambabatas na kasama sa pagtitipon ang nagsabing hindi biro kundi ‘half meant’ ang sinabi ni Garin.
Nabatid na si Garin ay pumoporma na maging Chairman ng House Committee on Ways and Means subalit hindi naman nito mabangga si Albay Rep. Joey Salceda na inalok na maging Deputy Speaker subalit hindi pumayag.
Si Duterte ang humahawak ngayon ng makapangyarihang House Committee on Accounts habang naitalang Vice Chairman din ng komite si House Appropriations Committee Chairman at Benguet caretaker ACT CIS Partylist Rep. Eric Yap na malapit na kaibigan ni Duterte.
Comments are closed.