MUKHANG pumapabor ang mga numero kay Marinduque Representative Lord Allan Velasco sa karera sa susunod na House Speaker kung isang indikasyon ang pagpunta ng 125 neophyte at returning congressmen sa isang fellowship dinner na inihanda ni incoming Davao City Representative Pulong Duterte sa Malago Lounge sa Malacañang Park noong Martes.
Naging tampok sa salo-salo ang pagdalo ni Congressman Velasco – ang contender at pambato ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) para sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ang mga mambabatas na imbitado ni Pulong ay mula sa PDP-Laban, Nationalist People’s Coalition (NPC), at Party-list Coalition (PLC) na may 54 miyembro na pinangungunahan ni 1-Pacman Representative Mikee Romero.
Kahit hindi pa nagsasalita, ayon sa mga dumalo ay basa umano sa body language ni Presidente Rodrigo Duterte na ang Marinduque lawmaker ang kanyang minamanok. Inabot pa nga umano ang Pangulo ng hanggang alas-kuwatro ng madaling-araw sa pakikipagkuwentuhan at kinanta pa ang mga paborito niyang “Ikaw” at “To All the Girls I Loved Before.”
Sa okasyon, nagbiro rin umano si Pangulong Digong na hindi pa niya maihahayag kung sino ang kanyang House Speaker at baka dumugin siya ng mga tanong at hingan ng mga paliwanag ng media at ayaw niya rin daw makasakit ng damdamin ng isang kaibigan. May humirit din ng “Mayor, may napag-usapan na tayo!” na sinagot ng Presidente ng “Nag-usap tayo pero hindi ko naman sinabi na ikaw ‘yun!” Clue: Ang kanilang pinagtatawanan ay nakasama ni Presidente Duterte sa 11th Congress nu’ng mambabatas pa siya.
Mahigit isang buwan bago ang pagbubukas ng 18th Congress, nasa mahigit 170 na agad ang numero ng boto ni Congressman Velasco dahil sa pag-aalyansa ng PDP-Laban (82), NPC (36), at PLC (54). Hindi pa kasama rito ang bilang ng Northern Alliance, Liberal Party, independent individuals, at iba pang bloke na inaasahang susuporta rin sa kanya.
Sa mga nakaraang Kongreso, napakalaking factor ng pagiging malapit sa nakaupong Pangulo ng sinumang aspiranteng mambabatas upang mailuklok siya bilang House Speaker. Subalit hindi rin naman basta-basta ang track record ni Congressman Velasco bilang isang public servant na nangako sa kanyang mga kasamahan na siya ay magiging isang listening Speaker at consensus builder.
Comments are closed.