VELOSO IBIBIYAHE NA SA JAKARTA PAUWI NG PINAS

Nagpahayag ng panghihinayang ang pa­milya Veloso nang hindi matuloy ang kanilang biyahe patungong Indonesia para bisitahin si Mary Jane Veloso.

Nakatanggap ng sulat ang pamilya mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) na nagsasabing  hindi na matutuloy ang kanilang biyahe na nakatakda sana ng December 16 hanggang 17.

Batay sa sulat ng DFA, nakatakdang ibiyahe sa nasabing petsa si Mary Jane papuntang Jakarta para simulan ang proseso ng  kanyang pag-transfer pauwi ng Pilipinas.

Ang paglipat kay Mary Jane sa Jakarta ay batay sa utos ng Indonesian Ministry for Law, Human Rights, Immigrations and Corrections.

Sa ngayon ay wala pang takdang araw o petsa kung kailan makakauwi ng bansa ang convicted OFW.

Magugunitang sinabi ng Indonesian government  na bago mag-Pasko makakauwi na ng bansa si Mary Jane.

Sa kabila nito ay inihayag ng pamilya Veloso na sila ay masayang masaya dahil malapit na ang pag-uwi ni Mary Jane.

Wala umanong ipinataw na kondisyon ang gobyerno ng Indonesia kapalit ng pagpayag na maiuwi na ang Pinay.

Ayon naman sa  16-anyos na anak ni Mary Jane, laking pasalamat nila sa Indonesian government dahil mapapauwi na ang kanyang ina.

Ibinahagi ni Darren Veloso Candelaria na isang taon at apat na buwan lamang  siya nang makulong ang kanyang ina sa Indonesia.

“Nagpapasalamat po ako sa Indonesian government dahil po sa wakas po makakalaya na yung mama ko,” ani Darren sa panayam ng News5.

“Mararanasan ko na pong magkaroon ng nanay,” dagdag pa niya.

ALIH PEREZ