Inilipat na si Mary Jane Veloso sa isang regular na dormitoryo sa Reception and Diagnostic Center (RDC) ng Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Inihayag ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na ang paglipat kay Veloso ay matapos ang kanyang limang araw na quarantine period noong Huwebes.
Mananatili sa RDC si Veloso sa susunod na 55 araw, kung saan sasailalim siya sa mandatory orientation, diagnostics at classification para maisama sa corrections system.
Sinabi ni Catapang na ang paunang yugto na ito ay idinisenyo upang tulungan ang mga persons deprived of liberty (PDL) na maging pamilyar sa mga tuntunin, regulasyon at kanilang mga karapatan at pribilehiyo ng pasilidad.
Ipakikilala rin ng orientation program si Veloso sa iba’t ibang mga hakbangin sa rehabilitasyon, serbisyong pangkalusugan, mga patakaran sa time allowance at mga mekanismo ng karaingan na magagamit ng mga PDL.
Sinabi ni CT/Supt. Marjorie Ann Sanidad, CIW acting superintendent, na inilagay si Veloso sa isang regular na dormitoryo na may sukat na 48 by 32 feet, kasama ang 30 iba pang bagong PDL.
Si Veloso ay nakulong at nasentensiyahan ng kamatayan sa Indonesia noong 2010. Binigyan siya ng reprieve noong Abril 2015 nang ipaalam ng Manila sa Jakarta na sumuko na ang kanyang mga recruiter.