VELOSO QUARANTINE MUNA SA CORRECTIONAL

Isasailalim ng Bureau of Corrections (BuCor) abg convicted OFW Mary Jane Veloso sa limang araw na quarantine period pagbalik nito sa bansa.

Ipinaliwanag ng BuCor na bahagi ng kanilang protocol para sa mga bagong persons deprived of liberty (PDLs) na ilagay muna sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong si Veloso para sumailalim ito sa quarantine.

Ayon din sa pamunuan ng BuCor, mananatili sa isang designated isolation area si Veloso para sa isang medical observation kung saan isasagawa rin ang medical at physical examination sa kanya para malaman kung may nararamdaman itong pisikal o mental na sakit.

Pagkatapos nito ay makikipagpulong naman si Veloso sa corrections supervisor bilang bahagi ng kaniyang registration process at para na rin magbigay ng contact information para sa pamilya at mga authorized visitors na maaari lamang bumisita sa kanya.

Samantala, tumang­ging magbigay ng pahayag ang  Malakanyang kaugnay sa pardon na posibleng ibigay kay Veloso.

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, sa ngayon ang prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay ang pagbabalik sa bansa ni Veloso mula sa  Indonesia.

Inaasahang 12:50 ng madaling araw ng Miyerkoles ang flight ni Veloso mula sa Indonesia at alas-6:00 ng umaga ito darating ng bansa.