BENGUET – NASAKOTE ang pito katao na lumabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Baguio City at Mountain Province sa ilalim ng anti-illegal drug operations ng pulisya.
Apat katao mula sa Pinsao Proper, Baguio City ang nadakip nang maaktuhang gumagamit ng pinaniniwalaang shabu.
Rumesponde ang awtoridad matapos silang makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ukol sa talamak na pot session ng ilegal na droga sa kanilang lugar.
Nakilala ang mga nahuli na sina William Casibang, 26; Joemamel Dipatuan, 35, street vendor; Rasul Dipatuan, 31, street vendor; at si Dario Dacera, 35, barbero na pawang residente ng Baguio City.
Nakumpiska mula sa apat ang tatlong pakete ng pinaniniwalaang shabu at mga drug paraphernalia.
Samantala, swak din sa selda ang tatlong turista matapos makumpiska sa kanila ang mga marijuana sa harap ng isang cafe sa Bontoc, Mountain Province.
Agad nagresponde ang mga pulis nang makatanggap sila ng impormasyon ukol sa dala ng mga suspek na mga kontrabando na nagresulta sa pagkumpiska nila ng 10 tubular form at isang brick ng dried marijuana.
Nakilala ang tatlo na sina Michael Macunat, 27, gym instructor; Kent Tyron Bejasa, 23; at isang 17-anyos na estudyante na pawang mga residente ng Muntinlupa City. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.