AGAD na binawian ng buhay ang isang 54-anyos na vendor na kalalabas lamang umano kamakailan sa kulungan matapos pagbabarilin ng hindi kilalang gunman sa labas ng kanyang bahay sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Batay sa report ng pulisya ang biktima na agad na binawian ng buhay sanhi ng tama ng bala sa ulo at dibdib ay nakilalang si Rogelio Esguerra, binata, ng 7041 Maligaya Park, Parkland St., Brgy. 177, Camarin, ng lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-11:30 ng gabi, palabas sa kanyang bahay si Esguerra nang biglang lapitan ng suspek at walang sabi-sabing pinaputukan sa ulo at dibdib ang biktima.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksiyon sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ng kanyang kasabuwat.
Narekober naman ng rumespondeng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pangunguna ni P/Maj. Prestan Antonio ang dalawang basyo ng bala at isang deformed fired bullet mula sa hindi pa matukoy na uri ng baril na isusumite sa Northern Police District (NPD) Crime Laboratory para sa ballistic examination.
Batay sa pahayag sa pulisya ng mga kaanak ni Esguerra, wala silang kilala na kaaway ang biktima, subalit sinabi ng mga ito na kalalabas lamang nito kamakailan sa kulungan. Hindi nabanggit kung ano ang dahilan ng kanyang pagkakakulong.
Patuloy naman ang follow-up na imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa insidente. EVELYN GARCIA
Comments are closed.