(Verbal apprehension at hindi aresto sa mga violator) 8PM TO 5AM CURFEW IIRAL SA METRO MANILA

MMDA General Manager Jojo Garcia-5

MAKATI CITY – MAGPAPATUPAD ng curfew ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang tugon sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na community quarantine sa National Capital Region (NCR) upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay MMDA General Manager, Jojo Garcia, sinang-ayunan ng Metro Manila  Mayors ang pagpapalabas ng isang resolution sa pagpapatupad ng curfew.

Sa hiwalay na panayam kay Interior Secretary Eduardo Año, simula alas- 8 ng gabi hanggang alas- 5 ng umaga, ngayong araw, Marso 15, epektibo ang curfew.

Binigyang-diin naman ni Garcia na ang curfew ay para lamang sa mga aktibidades na hindi naman importante at ang mga mang­gagawa ay hindi naman kasama.

“‘Yung mga gumigimik lang, kung saan-saan nagpupunta, nakikibarkada, nakiki-party, lahat ‘yan bawal na muna,” pagdiriin ni Garcia.

Ipinaliwanag ni Garcia na wala naman mangyayaring pag-aresto kundi isa lang verbal apprehension.

“Hindi naman po da­damputin ito, pagsasabihin lang,” ayon kay Garcia.

Nilinaw naman ni Año na hindi kasama sa curfew ang mga nagtatrabaho, media, call center agents, bibili ng mga pagkain at magpapaospital.

Nauna nang sinabi na maging ang media ay exempted din sa pagbabawalang magbiyahe.

Ipinahayag din ni Año na  kung walang importanteng pakay o dahilan ng paglabas ay manatili na lamang sa kani-kanilang tahanan.

Hinikayat naman ni Año ang mga employer na magpatupad ng flexible work arrangement para sa mga empleyado.

SELF-QUARANTINE PAYO NG PNP

Samantala, may payo at apela rin ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na huwag nang magpumilit na pumasok/ lumabas sa Metro Manila kapag  nasabat sa checkpoint at iginiit na pagsunod lamang  sa utos ng Pangulo ang pagsisiyasat ng nasa 40,000 pulis na idineploy sa mga checkpoint.

Sa panayam kay Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy Chief for Administration, sinabi nitong ipatutupad nila nang tama ang kautusan na huwag basta magpapasok at magpalabas sa  Metro Manila.

Aniya, ang layunin ng checkpoint ay upang maipatupad ang community quarantine sa Metro Manila na ang motibo ay mabawasan ang movement ng mga tao sa kalsada para hindi lumawak ang kaso ng COVID-19.

“Kung kailangan nilang pumasok sa Metro Manila, magpakita lamang ng ID, certification of employment at contact number ng tanggapan,” ayon kay Cascolan.

Umapela rin si Cascolan sa publiko na magboluntaryo nang mag-self quarantine kung may nararamdaman gaya ng pag-ubo at sipon upang hindi na makahawa pa.

Para naman sa sumasakay sa pampublikong transportasyon, kung maaari ay naka-face mask at huwag na lang magsalita kung hindi kinakailangan at sumunod sa social distancing.

“May commitment tayo sa ating sarili at sa kapwa, kaya tayo na mismo ang mag-ingat sa sarili at kung may karamdaman huwag na tayong makahawa pa, maglinis lagi ng kamay at pag-ingatan ang sarili,” dagdag pa ng heneral.

Dagdag ni Año na kailangan ang koordinasyon sa panahon ngayon para maiwasan ang paglawak ng sakit. MARIVIC F.

Comments are closed.