NANINIWALA ang Department Interior and Local Government (DILG) at maging ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na mapapasimulan na ang vetting process nang 5-man panel na susuri sa record ng mahigit 950 PNP 3rd level officer na naghain na ng kanilang courtesy resignation.
Sa tala ng PNP, nasa 24 pang 3rd level officials ang hindi pa nakakapagsumite ng kanilang courtesy resignation.
Dahil dito, nananawagan si PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., sa nalalabi pang tatlong porsyento ng 3rd level officers na magsumite na rin ng kanilang courtesy resignation.
Umaasa ang DILG na matatapos ang kanilang internal cleansing sa hanay ng pulisya sa loob ng tatlong buwan.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, kahit na nagretiro na ang isang opisyal ay tuloy pa rin ang kanilang case build up kung makikitang may basehan para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Nabatid na kasalukuyang binubuo na ng DILG ang kanilang 5-man committee na magsisiyasat sa mga PNP senior officers na maaaring may kaugnayan sa kalakaran ng iligal na droga.
Samantala, may mga nangangamba umanong ilang opsiyal na baka magkamali sa pag-eevaluate at pag-assess ang binuong 5-man panel at imbes na malinis ay madungisan pa ang kanilang pangalan. VERLIN RUIZ