PROUD na proud na binati ng Kapamilya hunk model-actor na si Ion Perez ang kanyang partner na si Vice Ganda matapos itong manalo bilang Best Lifestyle, Entertainment Presenter/Host sa virtual ceremony ng 2021 Asian Academy Creative Awards (AACA) na ginanap sa Singapore.
“Binabati kita bilang partner mo. Congratulations, babe. Siyempre, alam mo na kung gaano kita kamahal. Nandito lang ako lagi. Hindi kita iiwan,” ang very sweet na message ni Ion kay Vice noong Saturday episode ng “It’s Showtime.
Hindi naman maipaliwanag ni Vice ang kanyang mararamdaman dahil sa pinakabagong karangalang natanggap kung saan muli niyang pinatunayan ang kanyang kahusayan bilang host. Kaya naman feeling nasa cloud nine ngayon ang sikat na komedyante na ibinahagi ang ‘di maipaliwanag na nararamdaman.
“Overwhelmed! Ang gulo ng pakiramdam! Naiihi ako na naduduwal na di ko maintindihan. Nakakabaliw sa saya! Thank you Lord! This is unbelievable! Sh*t i just won Best Entertainment Host at the Asian Academy Creative Awards!” ani Vice sa kanyang tweet.
Inialay ni Vice kay Ion at sa kanyang inang si Rosario Viceral ang tagumpay niya sa 2021 AACA. Pretty in pink si Vice Ganda sa Friday night virtual red carpet ng 2021 AACA. Pinaghandaan niya ang kanyang outfit, kaya naman feeling-Barbie siya sa pagrampa.
Sentro siya ngayon ng pambabatikos ng mga bashers, at patola naman ang lola nyo kaya hindi siya tinatantanan ng mga ito kahit pa may hatid siyang bagong karangalan para sa bansa.
GERALD ANDERSON MAY BINISITANG IBA HABANG NAKA-LOCK-IN SI JULIA BARRETO
MAY bago na namang isyu na tiyak puputaktihin sa showbiz. Matapos bulabugin at intrigahin ang relasyon nina Kylie Padilla, Aljur Abrenica, AJ Raval, Barbie Imperial at Diego Loyzaga, heto, si Gerald Anderson naman ngayon ang pinupuntirya ng binansagang “Pambansang Lalaking Marites” na si Xian Gaza. Chica ni Xian, Gerald has been visiting someone else habang nasa lock-in taping si Julia Barretto.
Sa sunud-sunod na post ng controversial vlogger, iginigiit niyang “one time,” nung nasa lock-in taping si Julia, may ibang babaeng binisita si Gerald. Although ‘di binanggit ni Xian ang pangalan ng tao o babaeng binisita niya, ‘yung mga comments niya sa kanyang sariling posts ay lumalabas na kilala niya yung babaeng binisita ni Gerald. Feeling ng mga Marites sa showbiz ay ang katambal ni Gerald na baguhang singer at aktres na si Gigi De Lana ang tinutukoy ni Xian.
Nagsimula ang mga haka-haka ng mga Marites sa post ni Xian noong Disyembre 5 kung saan sinabi niyang “Work hard until your idols become your tropa” na ang tinutukoy ay si Gigi. Kasunod kasi ng nasabing post ay inilabas niya ang picture nila ni Gigi na magkasama kung saan pareho silang naka-finger heart sign. May caption itong ‘Happy ako ngayon kasi may bago akong tropa’.
Bandang gabi, nag-post ulit si Xian na nakahiga na siya sa kama at ang caption ay “Matutulog nang nakangiti. Good mornight po sa lahat except kay Gerald Anderson.”
Hindi lang iyan. Sinundan niya kaagad ito ng: “Mars, eto na nga. Nakakapit ka na ba? Alam mo ba si Gerald wait tulog lang ako brb”
Maya-maya, ibinahagi na ni Xian ang naging pag-uusap nila nang nakilalang si Gigi.
“So eto na nga ang chika mga Mars. Nagtsismisan kami ni Gigi kaninang madaling-araw sa lobby ng isang mamahaling hotel na ‘di afford ng mga Marites na hampaslupa.
“Sabi ko, ‘What if sirain ko relasyon ni Gerald at Julia para wala nang hadlang sa love team n’yo?’”
“Sagot niya (non-verbatim), ‘Hoy Xian huwag gano’n! Bad ‘yon! Mabuting tao si Gerald. He’s a very nice guy. Everyone loves him. Nami-misunderstood lang talaga siya ng madlang people at alam mo naman ang social media ‘di ba? Parang ikaw lang din. Sabi ko, “Gigi, may sasabihin ako sa ‘yo. Ating dalawa na lang sana ‘to. Huwag na lang sana makakalabas ha? May mga alam kasi ako kay Gerald na hindi mo alam…’”
“GIGI: “Sige sige, like what?’”
“‘One time, nung nasa isang lock-in taping si Julia…’” Sa pagkakataong ito ay nambitin na si Xian.
Sa sumunod na Facebook post, ibinahagi ni Xian ang pag-uusap nila ng isang nagngangalang ‘Lhea Bernardino’.
“Lhea Bernardino: ‘Mars!!! Ano ginawa ni Gerald habang nasa lock-in taping si Julia?? Dali na please! Nakakabitin!’”
“XIAN GAZA: ‘Aba ang Gerald mo eh kinita si…’” Galing talagang mambitin ni Xian. So nakatutok ang sambayan sa ngayon para tuklasin kung sino ba talaga ang kinita ni Gerald habang nasa lock-in taping si Julia Barretto?”
Pero patulan kaya ni Gerald ang mga bagong pasabog ni Xian? Maapektuhan din kaya si Julia lalo’t busy siya ngayon sa kanyang acting career with Carlo Aquino sa movie na ‘Expensive Candy’ bukod pa sa bago niyang business venture na fashion brand na The Juju Club. Mukhang walang time ang aktres na patulan ang mga ganitong chica lalo’t maganda at matatag na ang estado ng sa relasyon nila ni Gerald.
EDU MANZANO PORMAL NA IPINAKILALA SI CHERRY PIE BILANG GF
ISA pa sa tinututukang isyu ngayon ang mga kaganapan sa relasyon nina Edu Manzano at Cherry Pie Picache. Happy ang marami sa bagong kabanata sa buhay nilang dalawa. Tunay namang nakakakilig at nakaka-inspire na kahit na sa edad na 66 ni Edu at 51 ni Cherry Pie ay muli nilang masumpungan ang umibig. Totoo Love is for all ages.
Kakakilig ang love story nila. At ang maganda pa, suportado ito ni Nio Tria, anak ni Cherry Pie. Mukhang seryoso at pang-forever na sila sa isa’t isa dahil ipinakilala na ni Edu si Cherry Pie, sa kanyang family members and relatives in the US bilang girlfriend.
Sa kanyang Instagram, Edu uploaded heartwarming photos ng naganap na family reunion nila kung saan present ang kanyang mga nephews, nieces, cousins, and grandkids. Ayon pa kay Edu, it was the best day of 2021 for him, and he also expressed his love for his entire family.