Vicki Belo, a woman of substance

BILANG  babae, napakahirap maka-penetrate sa mundo ng negosyong pinamumugaran ng mga lalaking sobrang sinasamba ang kanilang machismo. Kailangan nilang magtrabaho ng doble upang marating ang kanilang pangarap.

Isabay pa rito ang pagiging ina at asawa. Ngunit karamihan sa mga babaing entrepreneurs ay nagtatagumpay dahil sila ay smart, masipag, matiyaga at may passion sa kung ano ang kanilang ginagawa. Isa si Vicki Belo sa mga babaing naging matagumpay sa pagnenegosyo.

Sino ang hindi nakakakilala sa celebrity doctor na si Vicki Belo. Sikat siya sa plastic surgery, at iba pang paraan ng pagpapaganda ng kababaihan kaya madalas siyang pasalamatan ng mga celebrities. Sa kanya nagsimula ang “salamat po duktor” na terminology.

Mahigit dalawang dekada na ang lumipas, ngunit wala pa ring kahit anong beauty brand na makalalagpas o makapapantay man lamang sa husay ni Dr. Belo, dahil siya mismo ay ang emperatris ng mga beauty products. Sa madaling sabi, kapag sinabing Belo, ang katumbas nito ay beauty – walang kwestyon.

Ayon kay Dr. Belo, isinilang siyang Maria Victoria Gonzalez Belo – hindi kagandahan at laging nabu-bully dahil mataba. Ampon lamang siya ng kanyang kinikilalang magulang at sinasabi ng kanyang mga detractors na kaya siya ipinamigay ay dahil pangit siya at mataba. Kaya bata pa lamang siya, nagdesisyon na si Dr. Belo na maging

Maganda, at tutulungan din niyang gumanda ang iba.

Natural na kayumanggi ang balat ng mga Pinoy kaya ninanais nating medyo pumuti. At may mga babae namang kahit may edad na, gustong supple pa rin ang kanilang balat. Ito ang mga unang projects ni Dr. Belo. Matapos kilalanin ang Filipino psyche, madali na siyang nakaimbento ng mga produkto para dito na mabibili sa affordabled na halaga. Biruin mo namang magkakaroon ka ng nose job sa isang weekend lamang, o kaya naman, magpa-botox injection sa lunch break. Bongga, di ba?

Kasosyo ang kanyang anak na si Cristalle Belo-Pitt, nagtayo sila ng botika na ang paninda ay mga brand ng beauty products – ang Vicki Belo beauty products – na kayang kayang bilhin ng kahit sinong karaniwang mamamayan.

Nilulutas ng mga produkto ng Belo Essentials ang tatlong pinakamalaking skin care problems ng mga Filipino – ang acne, dark skin, at sun exposure. Sa unang tatlong taon pa lamang, kumite na sila ng US$5.7 million, 103 percent na mas mataas sa kinita nila noong last quarter ng 2019, bago nag-pandemia. Sa halip na magbenta lamang ng produkto, pinatatag ito ni Dr. Belo gamit ang kanyang karanasan, expertise, at ang kanyang mapakahusay na marketing skills. Kaya nga hindi nagkataon lamang na laging nababanggit ang pangalan niya sa TV dahil pinasasalamatan siya ng mga celebrities na napaganda niya.

Malaki na ang Belo Medical Group. May 15 clinics na nito sa buong bansa, at ang retail arm naman ay naka-penetrate na sa domestic market at patuloy pang kumakalat sa Southeast Asia, Middle East, at ilang bahagi ng North America. Ibinigay na niya ang pamamahala nito kay Cristalle, na siya na ngayong Managing Director ng The Belo Group – ang kumpanyang namamahala sa mga clinics at drugstore brand.

Isa na si Dr. Belo sa pinakamatagumpay na negosyante sa bansa, at ginagawa pa rin niya ang paborito niyang gawin – ang liposuction and skincare discussion.

Sa ngayon siya pa rin ang founder, CEO, at Medical Director ng Belo Medical Group. Siya si Dr. Belo, isang celebrity dermatologist na lumikha sa BeloMed – ang una at kaisa-isang ambulatory cosmetic surgicenter sa bansa na accredited ng National Accreditation Board of Hospitals and Healthcare Providers.

Payo ni Belo, upang makamit ang tagumpay, “Always remember to love yourself every day. It’s not being vain. It’s not being selfish. It’s one of the secrets to being happy.” NLVN