EXCITING ba ang mag-detonate ng bomba?
‘Yan ang isa sa inusisa namin sa aktor na si Victor Neri nang makausap namin ito matapos ang premiere ng “Hapi ang Buhay The Musical” kung saan kasama sina Mike Magat at Antonio Aquitania ay naghatid sila ng saya sa mga unang nakasilip sa naturang pelikula.
Ayon kay Victor, ang day job niya ay ang pagiging miyembro ng Bomb Squad kung saan ang isa sa delikadong gawin e, ang mag-detonate ng bomba kapag may napabalitang nakitaan nito o may naglagay sa kung saan man.
“Nagte-train ka to do that. Rigid training ‘yun. For 8 months, sinubaybayan ako ng Philippine Coastguard at bibigyan ka ng lisensya para maging awtoridad ka sa pagganap sa isang tungkulin para sa bayan. Mahirap. Pero gusto ko kasi alam ko na in a way. Meron akong nagagawa at nagiging kabuluhan sa ating bayan.”
Kasama na nga sa pagkakaroon ni Victor ng kabuluhan, sa nakita na raw niyang purpose niya in life ay ang pagiging miyembro na niya ng INC (Iglesia Ni Cristo).
“For a while I shield myself away from showbusiness. Ilang taon din akong nagtrabaho abroad. As a chef. Nagbukas din ako ng sarili kong restaurant but eventually, isinara ko rin. So ngayon, apart from being with the Bomb Squad, sa gabi naman consultant ako ng ilang restaurants sa culinary skills ko. One nga is ‘yung restaurant nina Gladys (Reyes), ang Stella. Then, shoot or tape.”
Isa sa itinuturing na mahusay na bida-kontrabida si Victor ng kanyang panahon. Ay may pagkakataon pa na naging contract star ito ng Star Records.
“That time, siguro nga naguguluhan pa rin ako sa ikot ng mundo ko. I do things na parang hindi ko naman gusto o laban sa kalooban ko. So I decided na umalis na lang muna. Meron nga siguro akong hinahanap noon na hindi ko makita. Kaya ang happiness para sa akin ngayon is to be able to see what your true purpose in life is. Nandito na ako bilang isang Kapatid. At kahit may violent reactions sa mga kamag-anak ko, naintindihan naman ako ng pamilya ko na ang mahalaga, meron pa rin akong relihiyon.”
Ang “Hapi Ang Buhay” ay isa pa lang comedy series sa Net25. At ngayon, binigyang buhay ito sa big screen ng EBC.
Nasiyahan at na-entertain ang mga nakapanood nito sa SM Megamall na hatid ng premyadong director na si Carlo Ortega Cuevas.
Breather para sa masyadong seryoso at maaksiyong mga pelikula ni Victor ang “Hapi…” kung saan hindi lang sila nagpatawa ng mga kasama niya kundi kumanta rin.
Mabubusog ang manonood ng pelikula sa magandang mga aral na hinabing mabuti ni direk at ng kanyang writer sa pagtatagni-tagni ng mga pangyayari sa isang komunidad.
Comments are closed.