AGAD na pinalabas ang mga residente at empleyado sa Victoria Sports Tower sa EDSA-Kamuning, Quezon City nang biglang may lumabas na makapal na usok sa isang palapag ng gusali nitong Martes ng hapon.
Sa inisyal na report ng Bureau of Fire and Protection ng Quezon City, bandang alas-12: 58 ng hapon nang biglang magkaroon ng makapal na usok sa Victoria Sports Tower kaya naman agad na inilikas ang mga tao sa loob ng gusali.
Makalipas ang mahigit dalawang oras ay naapula na ang sunog na umanoy nagsimula sa ginagawang gym sa gusali.
Wala namang nasawi o nasugatan at sinimulan nang linisin ng mga manggagawa ng Victoria Sports Tower ang mga debris mula sa binasag na salamin ng mga bumbero upang makalabas ang makapal na usok. EVELYN GARCIA