NAKIKIPAG-UGNAYAN na ngayon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa Marshall Island para hilingin ang kanilang operasyon sa ginagawang imbestigasyon sa oil tanker na bumangga sa fishing boat na “FFB Dearyn” sa may Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea na ikinasawi ng tatlong mangingisda.
Ito ay makaraang makakuha na ng Maritime Traffic Data ang PCG na nagpapakita ng pagbangga ng Marshall Island-flagged crude oil tanker na “Pacific Anna” sa bangka ng mga Pilipinong mangingisda.
Sinabi ng PCG na na-acknowledged na ng gobyerno ng Marshall Islands ang sulat na ipinadala mismo ni Coast Guard Commandant Admiral Artemio Abu hinggil sa insidente na naganap noong Oktubre ngunit hindi pa nakakatanggap ng pormal na tugon ang Pilipinas.
Sumulat si Adm Abu sa Marshall Islands para hilingin ang kanilang kooperasyon sa pag-imbestiga sa oil tanker na bumangga sa fishing boat na “Dearyn.”
Mula sa video ng Maritime Traffic Data, ipinakita kung papaanong binangga ng Pacific Anna ang mga mangingisda bandang alas-4:20 ng umaga nitong Oktubre 2 sa 85 nautical miles ng Bajo de Masinloc at 180 nautical miles ng Agno, Pangasinan.
nag-aahon ng payao ang mga mangingisda sakay ng kanilang bangka na Filipino Fishing Boat (FFB) Dearyn nang banggain ng Pacific Anna na sinasabing pag-aari ng Marshall Islands.
Agad nagtalunan ng bangka ang mga mangingisda at makalipas ang ilang minuto ay nakitang patay na ang dalawang crew at ang kapitan.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng PCG sa insidente at pag-aaralan ang susunod na hakbang para mapanagot ang bumangga na oil tanker.
VERLIN RUIZ