VIDEO TAKING SA KRIMEN MABIGAT NA SOCIAL RESPONSIBILITY-SINAS

video

NILINAW ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Debold Sinas na hindi niya ibinawal ang pagkuha ng video sa krimen dahil mas maganda ito para maidokumento at maisumite sa pulisya para sa mabilis na pag­resolba.

Ang pahayag ni Sinas ay kaugnay sa viral video ng pagpaslang ni PSMS Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya at Frank Gregorio sa Paniqui, Tarlac noong isang linggo.

Paliwanag pa ni Sinas, mabigat na responsibilidad ang kinakaharap ng dalawang kumuha ng video footage lalo na’t mga menor ito na ang edad ay 12-anyos at 16-anyos.

Isa pang kinababahala ni Sinas ay kung pagbalingan ang mga sibil­yan kumuha ng video at naging saksi kaya dapat aniyang mag-ingat din.

“Hindi ko po sinabi na bawal o huwag kumuha ng video, ang sinabi ko po noon pa na mas maganda kumuha ng video para ma-document at ibigay para ebidensya. Ang sabi ko mag-ingat, baka siya (nag-video) ng balingan,” paliwanag ni Sinas.

Nangangamba rin si Sinas na dahil mga menor ang kumuha sa brutal na pagpaslang sa mag-inang Gregorio ay dumanas ng trauma ang mga ito gaya rin ng anak na babae ni Nuesca na saksi sa krimen.

Inihayag din ng he­neral na nakausap na nila ang menor na kumuha ng video at inamin nito na tiningnan pa siya ng suspek kaya natakot siya.

Ito aniya ang kaniyang ikinababahala na baka madamay pa at hindi ibig sabihin na ibinawal niya ang video footaging.

Paglilinaw pa ni Sinas na dahil hindi maipakita kung sino ang nag-video, hindi maituturing na ebidensiya at alinsunod ito sa batas.

“Ngayon ‘yung video nasa batas po na hindi po ‘yan magiging ebidensya kung hindi po natin mapakita kung sino po ang kumuha. Dapat meron pong mag-testify na siya ang may-ari ‘nung video, cell phone o machine tapos siya ‘yung kumuha,” paliwanag pa ni Sinas. EUNICE CELARIO

Comments are closed.