IGINAWAD na ng National Food Authority (NFA) sa Vietnam at Thailand ang kontrata para sa pagsu-supply ng dalawandaan at tatlong libong (203,000) metriko toneladang bigas sa bansa para mapataas ang buffer stock.
Sinelyuhan ang kontrata para sa supply ng 25-percent broken long grain white rice sa ilalim ng isang government-to-government agreement.
Ayon kay NFA Assistant Administrator at Committee on G-to-G Procurement Chairperson Maria Mercedes Yacapin, inaasahang darating sa kalagitnaan ng Disyembre ang unang batch ng shipment na aabot sa 50,000 metriko tonelada.
Posible naman aniyang dumating bago magkatapusan ng taon ang huling shipment na aabot sa 153,000 metriko tonelada.
P27 KADA KILO NG NFA RICE?
Samantala, kasunod ng pagdaong ng may 260,000 sako ng imported rice sa bansa, tiniyak ng pamahalaan ang sapat na supply ng bigas na maaaring mabili sa presyong higit na mababa kaysa sa mga umiiral na retail prices sa pamilihan.
Sa pagtatala ng National Food Authority, papalo lamang sa P27 hanggang P32 kada kilo ang NFA rice sa mga palengke at authorized government retail outlets.
Ayon kay NFA Administrator in Charge Tomas Escarez, handa na silang ibalik sa 20,000 sako ang ipamamahagi sa mga retailer mula sa dating 10,000 sako.
Bukod sa 280,000 sako ng bagong dating na imported rice, inaasahan din ang dagdag ayuda sa supply ng bigas bunsod ng katatapos lang na bidding para sa government-to-government importation ng 203,000 metric tons na bigas.
Pumasok aniya sa bid price ng NFA na 470 dollars per metric tons ang presyong inalok ng Vietnam at Thailand na ide-deliver sa Disyembre 15 at 31. FERNAN ANGELES
Comments are closed.