VIETNAM SEAG HANDA NA

Abraham Tolentino

SA KABILA ng pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Vietnam ay sinisiguro ng mga organizer ng Hanoi Southeast Asian Games na gaganapin sa Mayo 12-23 na maayos ang lahat ng aspeto ng pagdaraos ng meet.

Nagtungo kamakailan si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino sa Hanoi kung saan ang mga kinatawan ng 10 iba pang kalahok na bansa ay binigyan ng overview sa ginagawang paghahanda.

Ayon kay Tolentino, tila handa na ang lahat.

“We did site visitations of the different venues. We also did inspections of the hotel for the athletes and officials,” pahayag ni Tolentino sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes.

Aniya, ang ibang member countries ay higit na nakatuon sa kani-kanilang paghahanda, kabilang ang pagsasanay ng kanilang mga atleta para sa biennial competition.

“Vietnam has received our entries by names and we’re just waiting for the final confirmation,” ani Tolentino sa forum na itinataguyod ng  San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission (PSC), POC, Amelie Hotel Manila, Unilever, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Kinumpirma ni Tolentino na si Filipino pole vault ace EJ Obiena, ang Asian record holder at reigning SEA Games champion na ranked No. 5 sa mundo, ay nasa listahan na isinumite ng POC.

Ayon sa POC chief, wala pang desisyon ang mga organizer kung papayagan ang fans at spectators sa Games dahil sa COVID-19 surge na nagtala ng seven-day average na 171,446 cases noong nakaraang linggo.

“But it’s declining now. In fact, they are now open to tourists,” sabi ni Tolentino, at idinagdag na tanging pruweba ng vaccination o booster shots ang kailangan ng foreign delegates sa 31st SEA Games.

“We just need to be extra careful,” ani Tolentino, na target ang Philippine delegation na 979, kabilang ang mga opisyal.

Bahala na, aniya, ang Philippine Sports Commission (PSC) na dalhin ang delegasyon sa Vietnam.

May dalawang paraan lamang, aniya, para makapunta sa Vietnam mula Manila – via Singapore Airlines o Philippine Airlines. Plano ng PSC na mag-book ng chartered flight para sa Team Philippines.