VIETNAMESE NAGPANGGAP NA DOKTOR NASAKOTE

REHAS na bakal ang binagsakan ng babaeng Viet­namese na nagpanggap na doctor matapos arestuhin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation – Organized and Transnational Crime Division sa kanyang beauty clinic sa Mandaluyong City kamakailan.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 10 in relation to Section 28 ng R.A. # 2382 (Illegal Practice of Medicine) ang suspek na si Trinh Thi Kieu Nguyen na may alyas na Dr. Rosa.

Sa ulat na ipinalabas ni NBI Director Judge Jaime Santiago, nag-ugat ang pagkakaaresto sa suspek makaraang makatanggap ng impormasyon ang NBI na nagsasagawa ito ng illegal practice of medicine tulad ng eyelid surgery, vaginal tightening, Botox, at iba pang cosmetic procedures kahit walang lisensya sa JK Beauty Clinic sa ground floor ng Jovan Condomi­nium Building sa nasabing lungsod.

Nabatid na isinailalim sa masusing surveillance ope­ration ang suspek at nang magpositibo ay nagpanggap na kliyente ang informant kasama ang isang NBI agent kung saan isasagawa ng suspek ang Botox procedure at nano filler sa chin sa halagang P16K.

Gayunpaman, nang magsisimula na ang Botox procedure sa informant ay mabilis na inaresto ang suspek kung saan narekober ang marked money at ilang medical praphernalias kung saan ang pekeng doctor ay isinailalim sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor ng Mandaluyong kaugnay sa nasabing kaso.

Kasalukuyang bine­beripika ng NBI sa Bureau of Immigration (BI) ang status ng babaeng Vietnamese habang ito ay nakapiit.

MHAR BASCO