VILLAR PINAKAMAYAMAN PA RING SENADOR

Sen Cynthia Villar

NANANATILING pinakamayamang senador ang negosyanteng si Senadora Cynthia Villar batay sa kanyang isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng taong 2017.

Batay sa rekord, tumaas ng P5.2 million ang yaman ni Villar mula sa P3,606,034,556 noong 2016 ay naging P3,611, 260,766 sa taong 2017.

Bagama’t nabawasan ng P126 million ang assets, pumangalawa naman ang pambansang kamao na si Senador Manny Pacquiao na mula sa idineklara niyang P3,072,315,030 noong 2016 ay naging P2,946,315,029.93 sa taong 2017.

Pangatlo naman si Senador Ralph Recto na nasa P538,889 million assets para sa nakalipas na taon, habang pang-apat sa listahan si Senador Juan Miguel Zubiri na may P152,094,252.72 at panglima si Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara na may net worth na P131,765,860.

Pinakamababa naman si Senador Antonio Trillanes na may P6,871,743.64 net worth noong 2017.

Ang ikalawa sa may pinakamababa ay si Senadora Leila de Lima na may net worth na P7,944,973.69 million, na sinundan naman ni Senador Francis “Chiz” Escudero na may net worth na P8.502,082.09 million.

Nasa ika-18 mayamang senador naman si Senate President Aquilino Pimentel na may net worth na P18.11 million habang si Majority Leader Vicente Sotto III ay nasa ika-11 puwesto na may net worth na P64.7 million.

Batay sa SALN, si Pacquiao ang may pinakamalaking ibinaba na net worth na sinundan ni Senador Sherwin Gatchalian na bumaba sa P3.9 million mula P92,141,701.14 noong 2016 na naging P88,226,485.77 ng kasalukuyang taon, at si Senador Panfilo Lacson na bumaba ang net worth ng P2.4 million, mula sa idineklarang P38,703,615 noong 2016 ay bumaba sa P36,305,440.90 ng taong 2017.

Bumaba rin ang net worth ni Senador JV Ejercito ng P177,151 habang bumaba rin ng P136,287 ang net worth ni Senadora Risa Hontiveros.

Tumaas naman ng P30 million ang yaman ni Zuburi, na sinundan ni Recto na tumaas ng P16 million ang networth, at Minority Leader Franklin Drilon na tumaas ng P11 million ang yaman. VICKY CERVALES

 

One thought on “VILLAR PINAKAMAYAMAN PA RING SENADOR”

Comments are closed.