VILLEGAS SIGURADO NA SA BRONZE

SINIGURO ni Aira Villegas ang ikalawang medalya ng Pilipinas sa 2024 Paris Olympics makaraang talunin si Wassila Lkhadiri ng France sa women’s boxing 50kg quarterfinals Linggo ng umaga.

Sa pag-abante ng Filipino boxer sa semifinals, 29-28, 29-28, 27-30, 28-29, 29-28, nakasisiguro na siya ng bronze medal.

Dikit ang unang dalawang rounds, kung saan kinuha ni Villegas ang una, 3-2, habang pinaboran ng mga judge ang hometown bet sa sumunod na round.

Papasok sa third round, ang dalawang boxers ay tila ‘pressured‘ subalit si Villegas ang unang nakatama, na sinundan ng mas mabibilis na suntok at nanatiling dikit ang nasabing round.

Kinuha ni Lkhadiri ang third round, 3-2, subalit ang total scores ay pumabor sa Filipino boxer.

Si Villegas ay umabante sa quarterfinals makaraang gapiin sina Yasmine Mouttaki ng Morocco sa Round of 32 at Roumaysa Boualam ng Algeria sa Round of 16.

Isang bronze medalist sa 2019 Southeast Asian Games, si Villegas ay nakakuha ng ticket sa Paris noong nakaraang Marso sa 1st Boxing World Olympic Qualification Tournament sa Italy.