KINAILANGANG labanan ni Aira Villegas ang injuries at sakit tungo sa pagsuntok ng bronze medal sa women’s flyweight class ng 2024 Paris Olympics.
Ibinunyag ni Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) secretary-general Marcus Jarwin Manalo sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes kung paano tiniis ni Villegas ang iba’t ibang injuries papasok sa Olympics at sa mismong araw ng kumpetisyon.
Si Villegas, 29, ay may iniindang injuries sa tuhod, paa, at balikat.
“Ang dami (injuries), may shoulder tendinopathy, mild ACL sprain, compartment syndrome sa left foot,” isa-isang binanggit ni Manalo ang health situation ni Villegas, isang kondisyon na pumigil sa kanya sa pagboboksing sa loob ng isang buwan bago ang Paris Games.
“Unang sabak niya sa sparring nandun na kami sa France (Metz training camp). And then ‘yung actual sparring niya andun na kami sa Germany, two weeks na lang before the Olympics. ‘Yun na ‘yung actual sparring against some of the opponents na nakaharap niya rin dun (Paris).”
Subalit ang daily rehab at ang tulong na ipinagkaloob ng ABAP support staff ay nagbigay-daan upang mag-perform si Villegas ng higit pa sa inaasahan sa kanyang kauna-unahang pagsabak sa Olympics.
“Big competition na ito so ang focus ko doon is to get a medal,” sabi ni Villegas, na sinamahan ng kanyang coach at Olympian Reynaldo Galido sa weekly session na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, Smart/PLDT, at ArenaPlus, ang leading sports entertainment gateway sa bansa.
Ang tubong Tacloban ay nanalo sa kanyang unang dalawang laban kontra Yasmine Moutaqui (Morocco) at Roumaysa Boualam (Algeria), ang parehong boxer na kanyang naka-spar sa Germany habang nagpapagaling pa sa kanyang injuries, upang maisaayos ang quarterfinal clash kay home bet Wassila Lkhadiri.
Sa bisperas ng laban para sa isang semifinals berth at sure bronze, personal na kinausap ni Galido si Villegas hinggil sa kung paano babaguhin ng pagwawagi sa laban ang kanyang buhay.
“Sabi ko sa kanya, itong laban natin mabigat ito, hometown bet ang kalaban natin. Pero sabi ko huwag mong isipin ‘yan, huwag mong isipin ‘yung crowd. Kasi itong laban na ito ang makakapagpabago sa buhay mo. Isipin mo ‘yung mga magulang mo, mga kapatid mo,” pag-alala ni Galido sa kanyang pakikipag-usap sa kanyang fighter.
Tinalo ni Villegas ang French boxer sa isang tightly-fought contest, 3-2, upang bigyan ang boxing ng unang medalya nito sa Paris. Sa kasawiang-palad ay natalo siya sa mas eksperyensadong si Buse Naz Cakuroglu ng Turkey sa semifinals upang matapos ang kanyang kampanya na manalo ng gold.
Sa kabila nito, sinabi ng Pinay boxer na walang makapipigil sa kanya sa pagkamit ng kanyang ultimate goal.
“Aware akong bronze medalist ako, pero hindi ko pa rin siya maramdaman kasi ‘yung utak ko and ‘yung feeling ko, hindi ko pa nakukuha ‘yung gold, so kailangan kong abutin pa yung goal ko,” pahayag niya sa kabila na nanganganib na mawala ang boxing sa 2028 Los Angeles Olympics.
“Grateful pa rin ako sa lahat ng blessings, pero kailangan ko pa ring magtrabaho para makamit ang goal ko,” ani Villegas.
May injury man o wala.
CLYDE MARIANO