VINEGAR BRANDS NA MAY SYNTHETIC ACETIC ACID BAWAL MUNANG IBENTA – FDA

SUKA-3

IPINAGBABAWAL  muna ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagbebenta sa merkado ng limang brand ng suka na kanilang natukoy na guma­gamit ng synthetic acetic acid sa paggawa ng suka.

Ayon kay Health Undersecretary at  FDA officer-in-charge Eric Domingo, pag-aaralan pa ng ahensya kung ano ang mga naging pagkukulang o paglabag ng mga manufacturer ng Surebuy Cane Vinegar, Tentay Pinoy Style Vinegar, Tentay Premium Vinegar, Tentay Sukang Tunay na Asim at Chef’s Flavor Vinegar.

“Kailangan pong i-recall nila lahat ito at hindi po maaaring ibenta sa merkado at wala po dapat access ang ating mga kababayan sa mga produktong ito,” pahayag ni Domingo.

Ipinaliwanag ni Domingo na bagama’t walang idinudulot na masama sa  kalusugan ang paggamit ng mga artipisyal na pampaasim, natural na pro­seso lamang sa paggawa ng suka ang  pinapayagan sa Filipinas.

“Opo, wala naman pong health hazard, hindi naman po siya nakaka-cause ng kung anumang sakit at katulad din naman po siya ng acetic acid na ga­ling po sa natural na fermentation. ‘Yun nga lang po, dito sa Filipinas po kasi, ‘pag sinabi nating suka, kailangan po nanggaling siya sa natural product at tiyak na natural fermentation. ‘Yun po ang ating standards for vinegar,” paglilinaw ni Domingo.

Tiniyak naman ni Domingo na tuloy-tuloy  ang gagawing pagsusuri para sa iba pang mga brand ng suka para alamin kung hindi dumaan sa natural na proseso  ang paggawa sa mga ito.

“So, kung wala naman po sa listahan d’yan, ‘wag po naman silang mangamba at sa mga susunod na araw magte-test pa naman po tayo ng iba pang mga produkto para malaman at kung may maidadagdag naman po tayong makikita nating gano’n na synthetic din ang ginagamit, magdadagdag naman po tayo sa listahan.” dagdag pa ni Domingo.

Comments are closed.