VINEGAR BRANDS SA PAMILIHAN SUSURIIN NG FDA

SUKA

INIHAYAG ng Food and Drug Administration (FDA) na plano nilang suriin ang vine­gar brands na ipinagbibili sa mga pamilihan.

Ayon kay Department of Health Undersecretary at Spokesperson Dr. Rolando Enrique Domingo, gagawin ito upang matiyak kung ang mga ito ay may halong synthetic acetic acid.

Sinabi ni Domingo, na siya ring tumatayong officer-in-charge (OIC) ng FDA matapos na sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating FDA General Manager Nela Charade Puno, ang suka ay kinaklasipika bilang isang ‘natural food’ kaya’t dapat na naturally-fermented ito.

“Basta vinegar, dapat natural,” ani Domingo, sa isang panayam.

“Ang mga nagma-manufacture ng suka kapag sila ay nagpaparehistro ng produkto, ang ating definition ng suka, dapat natural fermentation ‘yung acetic acid. So kung minislabel nila at sinabi nilang natural ito pero synthetic ang ginamit nila, ‘yon po ang kanil-ang pananagutan, mislabeling,” aniya pa.

Idinagdag pa ni Domingo na mahigpit din nilang ipinagbabawal ang paggamit at paghahalo ng synthetic sa mga produktong su-ka, at hindi rin pinapayagan ang paggamit ng clouding substance upang magmukhang suka ang produkto.

“Pag nirehistro as vinegar, bawal ‘yung synthetic acetic acid saka ‘yung clouding substances o pampalabo para magmukhang su-ka,” pa­liwanag pa ni Domingo.

Kaugnay nito, sinabi ni Domingo na inisyuhan na nila ang manufacturers ng 274 vinegar brands sa merkado noong Lunes, Mayo 20, upang matukoy ang komposisyon ng kanilang mga produkto at kung natural na sangkap ang ginagamit nila.

Ipinaliwanag naman ni Domingo na kung ang synthetic acetic acid ay nakarehistro bilang chemical product ay wala silang nakikitang problema rito.

Gayunman, kung ang produkto ay rehistrado bilang suka, hindi ito dapat na gumamit ng synthetic acetic acid.

Tiniyak naman ni Domingo na kung sasabihin ng manufacturer na ang vinegar brand nito ay hindi natural ay hindi na nila ito susuriiin pa at kaagad nang aalisin sa merkado.

Nauna rito, iniulat ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na 15 sa 17 brand ng suka na ipinagbibili sa mga pangunah-ing supermarkets sa bansa ay gawa mula sa synthetic acetic acid.

Hindi naman pina­ngalanan ng PNRI ang mga naturang brand ngunit sinabing isinumite na nila sa FDA ang kopya ng resulta ng kanilang research, at ang FDA na ang makikipag-ugnayan sa manufacturers ng mga ito.

Nilinaw rin naman nito na hindi nila sinabi na carcinogenic o nagi­ging sanhi ng cancer ang mga sukang gawa mula sa synthetic acetic acid.

Sa kabilang dako, pinawi naman ni Domingo ang agam-agam ng consumers sa posibilidad na synthetic ang suka na kanilang ginagamit.                                                     Paliwanag ni Domingo, ang paggamit ng synthe­tic acetic acid ay ligtas at wala namang ebidensya na nagsasabi na mayroon itong masamang epekto sa kalusugan kaya’t wala aniyang dapat na ipag-alala ang consumers.

“Wala naman pong ebidensiya na nagsasabi na mayroong masamang epekto ang acetic acid either in its naturally-fermented form or doon sa synthetically-fermented form… Hindi naman sila (consumers) dapat mag-alala… Very low risk naman ‘yan when it comes to safety,” aniya pa.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.