VINTAGE BOMB NAHUKAY

RIZAL- ISANG vintage bomb ang natagpuan sa National Road, Brgy. Maybancal, Morong sa lalawigang ito.

Ayon sa pahayag ni Clark Henzon Pano na siyang nagsurender ng naturang vintage bomb, nagsasagawa sila ng road widening construction sa naturang lugar ng kanyang mga kasamahan nang aksidenteng makahukay sila ng isang matigas na bagay.

Laking gulat nila nang madiskubre na ito ay hugis bomba kung kaya’t agad na dinala sa Morong Municipal Police Station ang nasabing bomba at humingi ng tulong mula sa Provincial Explosives and Canine Unit (PECU-Rizal) para sa kaukulang imbestigasyon.

Ayon sa mga EOD Technician ng PECU-Rizal, ang bomba ay isang Projectile 76mm high explosive (HE).

Nananawagan naman ang Rizal PNP sa pa­ngunguna ni Col Dominic Baccay, Provincial Director na kapag may mga bagay na makikita o madidiskubre katulad ng vintage bomb na ito ay ipagbigay alam agad sa mga awtoridad at kung maaari ay huwag galawin ito upang maiwasan ang anumang aksidente, hayaan ang mga eksperto sa pagproseso sa mga ganitong bagay. ELMA MORALES