‘VIOLENT REACTIONS’ NI ELEAZAR SUPORTADO NI ALBAYALDE

ALBAYALDE-ELEAZAR

SINUSUPORTAHAN ni Philippine National Police (PNP)  General Oscar Albayalde ang hakbang ni National Capital Region Police Office Regional Director, Major General Guillermo Eleazar sa paglilinis sa kanilang hanay maging ang pamamaraan sa pagkompronta nito kay Corporal Marlo Quibet ng  Eastern Police District – Drug Enforcement Unit.

Kasabay nito bina­laan ni Albayalde  ang lahat ng directors, commanders, at  hepe ng bawat police units at offices na maayos at laging bantayan ang kanilang mga tauhan at panatilihin ang disiplina sa kanilang hanay.

Aniya, hindi niya kukunsintihin ang anumang maling gawain ng kanilang mga tauhan dahil tiyak na aanihin nila ang malupit na kaparusahan na naaayon sa umiiral na batas.

Nabatid na umaabot na sa 441 police officers ang sinibak sa serbisyo simula ng manungkulan si Pangulong Rodrigo Duterte noong taong 2016.

Umaabot sa 322 ang nagpositibo sa paggamit ng  ilegal na droga, 119 naman ay sangkot sa drug-related cases gaya ng extortion at pagkupkop o nagbibigay proteksiyon sa mga suspek.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Bernard Banac, ang mga sinibak sa serbisyo ay wala nang karapatan na makatanggap ng kanilang retirement benefits.

Habang nasa 8,000 pulis naman ang nahaharap sa disciplinary action dahil sa mga administrative offenses, ilan dito ang  na-reprimand, binaba ang ranggo o sinuspinde ng walang kaukulang suweldo. VERLIN RUIZ

Comments are closed.