MAKARAAN ang halos tatlong taon, pinaniniwalaan ng mga eksperto na malapit nang matapos ang pandemya.
Bukas na rin kasi halos lahat ng sektor.
Kumbaga, parang balik na sa normal ang lahat.
Napakatindi ng epekto ng COVID-19 sa buong mundo.
Hindi maitatanggi na isa sa mga grabeng tinamaan ay ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Buhat sa face-to-face classes ay biglang nag-shift sa online education noong 2020.
Ngunit may mga nagsasabing dalubhasa na ang kahit tila patungo na tayo sa endemic ay hindi nangangahulugang wala na ang panganib.
Kaya mahalagang handa ang lahat, lalo na ang gobyerno.
Para maihanda naman daw ang bansa sa anumang darating na pandemya, isinusulong ang pagtatatag ng Virology and Vaccine Institute.
Ang House Bill 6452 ay pinagtibay na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, bagay na pinuri ni Quezon Rep. Keith Micah “Atty. Mike” Tan.
Isa kasi si Tan sa pangunahing may-akda ng panukala na layong mag-focus sa pagpapaunlad sa larangan ng virology science and technology applications sa mga halaman, hayop at tao.
Paghahanda raw ito laban sa pandemya at public health emergencies sa hinaharap.
Sakaling lumusot at naging batas, magsisilbing pangunahing research and development institute ang pasilidad.
Sa pamamagitan nito, itatatag ang partnership sa mga nangungunang siyentista at virology centers and institutes.
Magkakaroon ng innovative and pioneering researches na magpapaunlad sa larangan ng virology sa bansa.
Kung hindi ako nagkakamali, may ganyan ding panukala sa Senado na maaaring maisama sa bill ni Tan.
Kamakailan, inihain din ni Sen. Bong Go ang panukalang batas para magtatag ng Virology Science and Technology Institute sa Pilipinas.
Ito raw ang magsasaliksik at mag-iimbestiga sa lahat ng mga virus at magsisilbing pangunahing laboratoryo sa bansa.
Kung papalarin at makalusot daw, mapapabilis ng batas ang aksyon at pagtukoy sa mga possible cases.
Nawa’y maisabatas ito.
Sabi nga, hindi pa tapos ang krisis.
Gayunman, magiging “endemic” na nga raw ang COVID-19 sa bansa na kung pakikinggan ay tila ba “end of pandemic.”
Well, ilang beses na rin namang sinabi ng mga dalubhasa na hindi mawawala ang virus.
Magiging bahagi na ito ng pang-araw-araw na buhay ng tao.
Ang kaibahan nga lang, magiging katulad na lamang ng mga pangkaraniwang sakit na kahit lumalaganap ay kaya nang gamutin ng mga doktor.
Ihahanay na lang daw ito sa seasonal diseases tulad ng sipon, trangkaso o flu, at iba pa.
Noong kasagsagan ng COVID-19, matatandaang nabulaga ang mundo.
Kakaiba kasi ang mikrobyo at hindi kilala ng mga siyentista sa medisina.
Naging blangko sila sa ilalapat na gamot o bakuna.
Sa mga ganitong pangyayari, importanteng handa ang gobyerno.
Kaya suportahan natin ang bill na layong magtayo ng Virology and Vaccine Institute.
Sakaling manalasa muli ang kaparehong virus, posibleng makagawa tayo ng sariling bakuna at hindi kinakailangang umasa sa ibang bansa.
At sa ganitong paraan, magkakaroon na ng ahensyang mangunguna at tututok sa pagsugpo sa mga nakakahawa at nakakakamatay na sakit.