MAAARI pa ring maramdaman ang presensiya ng PBA fans sa PBA ‘bubble’ sa Clark sa susunod na buwan.
Ang fans ay hindi papayagang pisikal na manood ng mga laro sa Angeles University Foundation, kung saan idaraos ang All-Filipino Cup makaraang suspendihin ito noong Marso dahil sa COVID-19 pandemic.
Subalit sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial na may inilalatag na silang mga plano para matiyak na mararamdaman ng mga player ang presensiya ng fans.
“Parang NBA, may LED (screens), makikita ‘yung mga fans, maririnig ng mga players ‘yung sigaw ng fans,” wika ni Marcial.
Ang NBA ay nakahanap ng paraan upang madala ang kanilang fans sa kanilang bubble sa Walt Disney World sa Orlando, Florida, via digital fan experience nito. Ang fans ay maaaring mag-register via website, at kapag sila ay napili, maaari nilang makita ang kanilang mukha sa giant video screens na nakapalibot sa courts sa Orlando.
Sinabi ni Marcial na sisikapin ng PBA na maduplika ang eksperyensiyang ito.
“Mayroon sa baseline, mayroong parang graphics ang television,” aniya. “Ang mga fans, makikita.”
“Makakapanood ka, magkakaroon kami ng ibang experience ‘pag pumasok ka doon sa aming parang website, para makapanood ka,” dagdag pa niya.
Magkakaroon din ng pa-contest para sa fans na may kaakibat na mga premyo.
“Maraming gimmicks sa website na ‘yun,” dagdag pa ni Marcial.
Comments are closed.