VIRTUAL JOB PARA SA DISPLACED OFWs

Virtual Job

MALAKING tulong ang virtual job o home and internet based job bilang alternatibong trabaho sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic

Daan daang libong OFWs ang nawalan ng trabaho at napilitang umuwi sa Filipinas simula nang tumama ang  corona virus sa iba’t ibang bansa

Ito ang tinalakay sa webinar na isinagawa  ng Department of Labor and Employment-Institute for Labor Studies (ILS) at ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Singapore para sa 80 OFWs  na may temang “Pano maging OFW ng hindi lumalabas ng ‘Pinas?” (How to be OFW without leaving the Philippines?) na naka-live stream sa Facebook.

“Virtual career allows one to work at the comfort of home, earn different currencies and serve different businesses,” pahayag ni webinar resource speaker Ann Kristine Peñaredondo, marketing strategist at published author.

Aniya, ang virtual career ay lumilikha minsan ng maling kuro-kuro, pagdududa at takot sa dahilang ito ay bago at hindi pa lubusang nasusubukan ng karamihan.

Bagaman ang virtual career ay hindi para sa lahat, sinabi ni Peñarondo na karamihan sa mga pumasok sa trabahong ito ay nagtatagumpay.

Ibinahagi ng dating OFW na sina Lyn Nafarette at Tina Lapina kung paano sila nagtagumpay nang lumipat sa virtual career, kung saan ang kanilang kinikita ay katumbas din noong nagtatrabaho pa sila sa ibang bansa.

Idinagdag ni Peñarondo na maaaring magtatag ng virtual career ang mga writer, accountant, blogger, advertiser, bookkeeper, coders, software engineer, illustrator, videographer, at iba pang skilled professional kung kanilang nanaisin.

Tinukoy ni Labor Attache Saul De Vries ang kahalagahan ng webinar sa panahon ng global pandemic na naging dahilan ng kawalan ng trabaho ng may libong OFWs sa Singapore at iba pang bansa.

“Virtual careers are alternative options for those who lost their jobs due to COVID-19 as well as those who do not want to work away from their families,” ani De Vries.

Samantala, sinabi ni ILS Executive Director Ahm­ma Charisma Satumba na ang virtual career ay nagbibigay ng malawak na oportunidad para sa OFWs  at iba pang manggagawa dahil bukas, malawak at malalim ang merkado para sa virtual work. LIZA SORIANO

Comments are closed.