CEBU CITY – NAGTIPON-TIPON kamakailan ang mga miyembro ng media at civil society organizations (CSOs) sa Tagbilaran City sa Bohol upang buuin ang “Visayan agenda” para sa proyekto ng ‘Inspire.’
Ang pagpupulong na pinamagatang “Amplifying Local Voices” ay pinangunahan ng Communication Foundation of Asia, US Agency for International Development (USAID) at Gerry Roxas Foundation (GFA).
Layunin nito na palakasin ang kolaborasyon ng CSOs at media sa paglikha ng mga plano at agenda para sa pangangalaga ng biodiversity.
Sa apat na araw na pagpupulong, tinalakay ng mga kalahok ang iba’t- ibang hamon at tugon sa mga isyu tulad ng kabuhayan, mga endangered species, pagbabago ng klima, sustainable development, turismo at buhay sa ilalim ng dagat.
Mula rito, bumuo ang media at CSOs ng iisang pananaw para sa Visayas na nakasaad ang “A diverse, abundant and regenerating ecosystem protected and managed by an empowered Visayan community for a sustainable future.”
Sa Learning Exchange (LEx), isang bahagi ng Inspire Project na ipinapatupad ng GFA, ibinahagi ng mga CSOs ang kanilang bagong pananaw sa operasyon ng lokal na media partikular na sa pagpapalawak ng kanilang mga impormasyon sa publiko at ang mga limitasyon ng newsroom at coverage.
Bukod sa pagpapalaganap ng kanilang mga adbokasiya, nagkaisa rin ang mga CSO at media mula sa Eastern, Central at Western Visayas sa pagpapalakas ng kanilang koneksyon at komunikasyon.
Ayon kay Glen de Castro, executive director ng GFA, mahalaga ang papel ng lokal na media sa pagpapalakas ng adbokasiya ng mga CSO dahil may kakayahan itong “magbigay-kaalaman” sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga kuwento at ulat lalo na’t may kaugnayan sa kapaligiran.
Puwede rin daw na maging edukasyonal na materyales ang mga ito sa anyo ng mga dokumentaryo, segment ng balita at kampanya sa social media.
Dagdag pa ni De Castro, mahalaga rin ang papel ng citizen journalism sa mga komunidad. “Baka po pwede nyo ma-engage yung community para ma-encourage sila na mag-participate sa citizen journalism kasi they can provide first hand accounts of environmental changes.”
Kabilang sa mga CSO na dumalo ang Coastal Conservation and Education Foundation Inc. (CCEF) na nagtataguyod sa proteksyon ng Danajon Project, isang double barrier reef na matatagpuan sa ilang bayan sa Bohol, Cebu, Southern Leyte at Leyte.
Dumalo rin ang Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC), JCI Bohol Sandugo, University of Santo Tomas-Research Endowment Fund Inc., Bohol Provincial Environment Management Office at Caritas Philippines.
RUBEN FUENTES