DAHIL sa Shear Line o o ang pagsalubong ng northeast wind at easterlies, naitala ang walang tigil na pag-ulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao na nagdulot ng pagbaha nitong Sabado, araw ng Bagong Taon.
Nagsagawa ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan ng Surigao City sa mga landslide prone areas ngayong Linggo dahil sa walang tigil na ulan.
Ayon sa Surigao City public information office, inilikas ang mga residente na nasa Navalca, Barangay San Juan, at Silay Hills sa Barangay Taft dahil sa pagbaha.
Binaha rin ang ilang parte ng Cantilan sa Surigao del Sur ngayong Linggo dahil sa walang tigil na ulan.
Ayon kay Lheyn Ann Morales, pumasok na sa unang palapag ng kanilang bahay ang tubig kaya nabasa ang kanilang mga gamit.
Agad naisalba ang mga residente na nahirapang lumabas ng kanilang bahay dahil sa baha.
Binaha rin ang Barangay Talisay sa bayan ng Libagon, Southern Leyte dahil sa walang tigil na pag-ulan ngayong Linggo.
Ayon sa mga rescuer, umabot hanggang dibdib ang taas ng tubig.
Isang 53 anyos na lalaki ang na-rescue ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection Libagon.
Na-trap sa kanilang bahay ang lalaki nang tumaas ang tubig.
Bago nangyari ang baha, may mga residenteng nakalikas na sa kani-kanilang bahay.