VISMIN CUP FINALS KANSELADO KAY ‘ODETTE’

WALA munang selebrasyon sa kampo ng Zamboanga Sibugay.

Naunsiyami ang target ng Anak Mindanao Warriors na angkinin ang korona matapos kanselahin  ng league organizers ang nakatakdang Game 2 ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge best-of-three Championship nitong Huwebes ng gabi dulot ng malawakang brownout sa Zamboanga Del Sur bunsod ng bagyong Odette.

Matapos bayuhin ng malakas na hangin at ulan ang lalawigan nang tumama sa kalupaan ang naturang bagyo, naputol ang supply ng koryente, kabilang na sa Pagadian City Gymnasium kung saan nakatakda ang Game 2 ng kampeonato sa pagitan ng Zamboanga Sibugay at ng BYB Kapatagan sa alas-6:40 ng gabi.

“Cancelled ang Game Two tonight because of Typhoon Odette nagka-brownout dito sa gym and ‘yung generator ay gamit ng City Hall for evacuation,” pahayag ni league Chief Operating Officer Chelito Caro. EDWIN ROLLON