PINANGUNAHAN ni Luzon-based player Jack Hoyohoy ang huling hataw ng Iligan sa krusyal na sandali para maungusan ang Pagadian, 92-90, nitong Linggo sa pagpapatuloy ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup 2nd conference sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.
Tumipa si Hoyohoy, produkto ng Our Lady of Fatima University sa Valenzuela, ng 30 puntos mula sa 10-of-17 shooting, tampok ang 11 sa final period para maiganti ang kabiguan sa Basilan sa opening day.
Mula sa gahiblang bentahe sa huling tatlong minuto, umiskor si Hoyohoy ng limang sunod na puntos, tampok ang three-pointer para hilahin ang bentahe ng Archangels sa 88-82, may 1:14 ang nalalabi sa laro.
Nakabawi ang host team mula kay Edzel Mag-isa, ngunit mabilis na nakaganti ang Iligan sa three-pointer ni Lugie Cuyos para sa 91-84 bentahe.
Nakahirit ng magkasunod na three-pointer sina Jezhreel Acaylar at Judel Fuentes para maidikit ang iskor sa 90-91, may 3.5 segundo ang nalalabi.
Senelyuhan ni Cuyos ang panalo sa naibuslong free-throw.
Nagtala si Cuyos ng 18 puntos at pitong rebounds, habang kumana si Arche Salo ng 10 puntos para sa Iligan. Tumabla ang Iligan sa Pagadian sa 1-1 karta.
Nanguna si Niño Ibañez sa Explorers na may 16 puntos at 6 rebounds, habang tumipa ng tig-11 puntos sina Mag-Isa, Fuentes, at Keanu Caballero. EDWIN ROLLON
Iskor:
Iligan (92) – Hoyohoy 30, Cuyos 18, Salo 10, Tamayo 8, Daguisonan 8, Torres 8, Aparice 4, Benitez 2, Cruz 2, Quinga 2, Bernardino 0, Tagolimot 0.
Pagadian (90) – Ibañez 16, Mag-Isa 11, Fuentes 11, Caballero 11, Diaz 9, Acaylar 7, Opiso 6, Pamaran 4, Qumado 3, Pepito 3, Dechos 3, Singedas 3, Uri 2, Saludsod 1, Demigaya 0.
QS: 25-32, 47-51, 72-68, 92-90